“ANG DAPAT NA MABATID NG LAHAT NATING
KAPATID” "Andres Esperanza" (Tauhan sa Akda ni Ed Aurelio Reyes) |
[Mula
ito sa maikling nobelang Ka Andres! Ang Tindi N'yo!, na isinulat ni Ed Aurelio
C. Reyes at inilathala ng Educar Publishing sa Maynila noong 1993 at 1995 at
kasalukuyang inihahanda para sa muling pag-iimprenta. Sa loob ng akdang iyon,
ang matandang tauhang si "Andres Esperanza" ang sumulat ng pahayag na
ito. Mayroong ginawang kaunting pagkikinis ngayon, na makikita kung napakaingat
na ikukumpara sa orihinal na teksto ng maikling nobela.
[Magagamit
ito bilang pantulong sa pag-aaral ng kasaysayan ng taongbayan sa Pilipinas,
pero kailangang tandaan na ang panahong inilalarawan sa ikalawang talata ay umiral
nang libu-libong taon, samantalang ang sumunod na panahon (ang kasalukuyan) ay
ilandaang taon lang.]
NO ANG
KATANGIAN ng ating bayan bago nasakop ng mga dayuhan? Ano ang kalagayan ng Pilipinas sa kapiling nating
kasalukuyan? At ano ang kinabukasang
tinutungo niya sa hinaharap?
Mayamang
kapuluan, maayos pang kapaligiran, malaya't saganang mamamayan, may masiglang
kabuhaya't kalinangan, buhay ang pagpapalitan ng mga pamayanan, gayundin ang
pakikipagkalakalan sa mga kapit-bayan - ganoon ang Perlas ng Silanganan nang
matagpuan ng mga taga-Kanluran. Sa
kalagayang yaon ay tiyakan, bagama't marahan , ang likas na pag-unlad ng ating
lipunan tungo sa kaganapan ng pagiging isang bansa. Ito ang nakalipas na dapat
nating ikararangal at itinatangi, nakalipas na di kailanman dapat hinahayaang
mawaglit sa kamalayan ng kasalukuyan at darating pang mga salinlahi.
Ito ang
nakalipas - yaong likas na pag-unlad, na niyurakan at pinigil ng mga
taga-Kanluran. Ipinalit ng conquistador ang kaisahang hinog-sa-pilit, ang
diumanong pag-unlad na sadyang huwad, balintuna at pakunwari. Tambalang Espada't Krus ang itinarak sa
lalamunan ng ating mga ninuno - itimagos sa sinugatang puso, sas inaliping mga
bisig, sa binihag na pag-iisip. Sa ganuong paraan, tatlong daang taong ang
ating mga ninuno ay kinubabawan ng mga upisyal at prayleng dayuhan, tatlong
siglong ang Pilipinas ay kanilang inalipin, pinagmalupitan, inalipusta at
dinuhagi. Ibon mang may layang lumipad, subuking ipiit at siya'y tiyak na
pipiglas. Bayan pa kayang sakdal-dilag
ang di magnasang makaalpas?
Matapos
maisagisag ng Gom-Bur-Za ang nabibigkis nang kamalayan ng mga katutubong pari
sa hiwa-hiwalay na mga lalawigan, inilantad ng mga Pilipinong nakapag-aral sa
mismong bayan ng mga mapang-api ang mga kalapastanganan ng kanilang pamamahala,
at iginiit ang pagkakapantay sa kanila ng ating lahi. Papayag diumanong manatili ang Pilipinas sa saklaw ng Espanya,
basta't kikilalanin ang pantay na karapatan at karangalan ng kanyang mga anak.
Sa
pagmumulat sa kabalat, sila'y nagtagumpay ngunit sa pagsusumamo para sa
pagbabago ay nangabigo. Maging si Rizal
na tumanggi sa armas ay pinarusahan ng kamatayan doon sa Bagumbayan.
Ating
bayan ay nagbuklod at nagbangon, gagap ang pulang watawat. Nagwakas na ang panahon ng pagtitiis, ang
panahon ng pagyuyuko ng ulo at pagkikibit ng balikat, nagwakas na ang
napakahabang panahon ng pagsasaid pa muna sa kaparaanan ng reporma at
mapayapang pakikiusap.
Naghasa
sila ng itak, nagsugat sa bisig at lumagda ng dugo, upang sa liyab ng libong sulo
ay buong-giting na isigaw ang paghihimagsik. Nang-agaw sila ng mga baril -
yaong sandata ng mapang-api at mapagsamantala ay ginawa nilang kasangkapan ng
kalayaan at kapakanan ng mamamayan, umaasang matapos nilang magtagumpay, ang
susunod na mga salinlahi ay di na kailanman mabubuhay sa lilim ng mga sandatang
sa taumbayan nakaumang.
Sa
sumula'y nagtamo sila ng mga tagumpay at pagkagapi sa labanan. Nahalinhan pa sa
paraang kaysakit ang Dakilang Supremong nagtatag at namuno. Hanggang sa ang
humaliling Magdalo ay totohanan nang hinarap ng kaaway, umatras nang umatras,
hanggang sa sumuko. Nag-atas pa siya sa mga kapanalig na iwan na ang
mapagpalayang punyagi. Ngunit dahil
sadyang magigiting, taumbayan ay nagpatuloy sa pakikihamok. Isang taon pa ang lumipas, at ang palalong
mga Espanyol ay kanila nang napahinuhod.
Sa
pakikidigma at pamimiyapis, alay nila'y tanging buhay na kipkip, nang walang
agam-agam at maluwag sa dibdib, matamis sa puso at di ikinahapis. Saanman nautas, di kinailangan, karangalang
sipres, laurel o lirio ma'y putungan; sa larangan ng pakikihamok o sa pook ng
bitayan, yaon ay gayon din, yayamang hiling ng Bayan. Sa pulu-pulo, sa iba't
ibang lalawigan, paghahari ng dayuhan ay unti-unti nilang binigyang-wakas. At ang mahal na bunga ng mga taniman ay
buung-buo nang isinakamay ng sangmagsasakang siya nitong nagpalitaw.
Nagsibalik
ang dating sumuko at nagpadestiyerong Magdalo at pangkat nito, kasama ang
bagong kaibigan nilang Amerikano. Sa
kinahinatnan, ang kalayaang naipagtagumpay na sa buong kapuluan ay pataksil na
inagaw ng bagong mananalakay. Ang
"Makapangyarihan at Makataong Bansang Norte-amerikano" ay sumakop sa
ating bayan, upang di na lumisan sandaang taon man ang magdaan. Labintatlo ng Agosto nang saklutin nila ang
kabiserang Intramuros, na noo'y kubkob na ng mga Katipunero at hinihintay na
lamang na sa ating panig ay sumuko. Ngunit kapwa-taksil at kalait-lait ang
dalawang mananakop at sila'y nagsapakatan.
Ibinaba ang bandila ng Espanya, at ang sa Amerika ay humaliling palalo
sa tagdan ng kapuluan. Saganang dumaloy
ang luha at dugo ng ating mga kababayan,
Nanatili
ang paghaharing dayuhan sa ating Inang Bayan, at ang magsasaka'y inagawang muli
ng pagmamay-ari sa kanilang mga sakahan.
Hikahos ng masang Pilipino ay tumindi at ibayong lumaganap.
Sa
sumunod na digmaan, panig nati'y dinaluyong ng mas malalakas na armas ng bagong
mananakop. Mga anak ng bayan ay muling nakihamok. Walang mahalagang hindi inihandog ng may pusong mahal sa bayang
nagkupkop; dugo, yaman, dunong, katiisa't pagod, buhay ma'y abuting
magkalagut-lagot. Mahigit milyon yaong
nangalipol, at di na pinag-abalahan ng hukbong Amerikano ni ang magbilang pa ng
bangkay. Buu-buong pulo at mga
lalawigan ang ginawang alabok.
Malahayop na kalupitang ipinalasap sa madla ay hindi sukat mailalahad ng
may mahinang sikmura. Huling hanay ng Katipunan ay tinugis, binitay at
pinugutan, matapos bansangang mga bandido't tulisan.
Kasunod
ng malawakang pamamaslang ang pananakop sa utak. Edukasyon ang ginamit upang nagdaa'y tuluyang mapawi sa kamalayan
at upang ipaasam sa ating mga magulang ang buhay na kawangis ng sa
"kahanga-hangang Amerika."
Ang hindi nagawa ng naunang conquista at ng sumingit na Hapones ay
napagtagumpayan ng mga babasahin, pelikula at iskwelang Amerikano - nabihag at
nadala ang pag-iisip ng madla.
Makahayop na pagsalakay ay nagawang ipabaon sa limot. At ang ganid at marahas na mananakop ay
niyakap bilang kapatid, ipinagbuwis pa ng dugo sa larangnang-digma ng Bataan at
Corregidor.
Ngunit
nakamit din naman yaong panahon, makaraan ang ikalawang digmaang pandaigdig, na
bandila ng independensiya'y hinayaan nang maitindig, hindi nga lamang sa tunay
na kalayaan isinandig. Sa anyo'y
ibinigay ang kasarinlang asam, ngunit sa leeg ay hawak ang mga tagapangasiwang
ating kabalat. Kapangyarihan pa rin ng
Putting Agila at ng kanyang dolyar ang patuloy na nanaig sa kabuhayan,
kamalayan, tanggulan at usaping panlabas ng Pilipinas. At kalunus-lunos pang
tunay, ating mga kabnabayan sa baha-bahagi ng kapuluan ay sa wikang banyaga pa
higit na nagtatalastasan at nagkakaunawaan.
Ang
katutubong mga upisyal ay nanatiling tau-tauhan ng dayuhan, sinusulsulan lamang
ng pagkakataong pumarte sa pagnanakaw. Pinagkalooban ng balota ang mga
mamamayan; ngunit halos lubusang puro masasalapi ang mga kandidatong
mapagpipilian; at sinuman ang magwagi, taumbaya'y sadyang wala ring pakinabang.
Malalaking
negosyante at usurerong dayuhan ang patuloy na yumayaman sa ating pawis at
kalamnan. At patuloy tayong nababaon sa
kumunoy ng paghihikahos at pagkakautang.
Pinalalabas ng makapangyarihan na ang ating karalitaan ay bunga raw ng
katamaran, kawalan ng disiplina at kamangmangan. Sagot naman natin, mahirap magpursigi sa kalagayang hindi
makatarungan, sa kalakarang ang napapasaatin ay katumbas ng katiting lamang ng
pinaghirapan. At ang mga
makapangyarihang mga nasa pamahalaan, na nagkukunwaring mapagpala, ay laging
ipinauuna ang kapakanan ng dayuhan at ang sariling bulsa, bago tugunan ang
paglulumukot ng sikmura ng nagugutom na taumbayan.
Mahal
nating bansa'y pulubi na sa daigidig, at ang ating mga obrero ay ipinalit na sa
mga kalakal - tulad ng niyog, asukal at pati bigas - na dati nating
ipinagbibili sa ibang bansa.
Sari-saring pasakit ang dinaranas nila sa pangingibang-bayan -
napakainit na klima, panggigipit at kawalang-galang, paglabag sa kababaihan,
maging mga panganib sa pagsiklab ng digmaan. At kayrami ng ating mga kababaihan
na nagiging mga bayarang parausan ng mga tagaibang-bayan. Sa aba ng abang mawalay sa bayan, gunita
ma'y laging sakbibi ng lumbay! At may naiuuwi lamang na pasalubong sa mga
kaanak at kaibigan, sakali ngang nakauwi pa nang matiwasay, at sakaling may buo
pang mag-anak silang madaratnan. Hindi rin napakainam ang kalagayang likha ng
makapangyarihan upang ang mga kumita ng dolyar ay may sariling kabuhayang
maipupundar. Mahirap ang
mangibang-bayan, ngunit paparami ang napipilitan - kung ihahambing sa narito ay
naroon lamang ang nakikitang makabuluhang mapagkakakitaan.
Sa
mabilis na pagsahol pa ng kahirapan, sadyang dapat kaawaan ang ating mga anak
na lalo pa ngang magdurusa sa madilim na kinabukasan, maliban na lamang kung
tunay nating mababago ang patunguhan ng ating kasaysayan. Huwag munang patahanin sa pag-iyak ang yapos
na ninyong sanggol! Di man niya nauunawaan, may malalaking dahilan nga siyang
sukat ihagulhol! Maliban kung siya ay
atin pang masasagip sa pinatutunguhang kinabukasan ng kasalukuyang kaypait.
Sadyang
nakabubulag ang matatamis na salita, ang mga panlilito't panlilinlang ng
mapagsamantalang mga dayuhan at ng kanilang mga galamay na may matataas na
katungkulan sa pamahalaan. Kayhirap
unawain ang kanilang mga numero, bansag at paliwanag, na gumugulo sa ating utak
ayon nga sa kanilang balak. Marami
tuloy ang nagkikibit-balikat at nagkakasya na lamang sa mga paksaing
hungkag. Marami pa nga ang hindi
nakakatanaw nang malinaw sa mga ugat ng ating hirap sa araw-araw. Sisi tuloy dito'y kung kani-kanino
ipinapataw, ang nakikita lamang ay mga bubwit na magnanakaw.
Mayroon
namang sadyang tumatalikod sa nagdudumilat nang mga katotohanan; sadyang
kayhirap manggising ng kunwari'y nahihimbing!
Yaong magpahanggang-ngayo'y pilit na nagbubulag-bulagan, yaong mga
nagkakaila, yaong mga nagwawalang-bahala, o, pinakamasahol pa, yaong mga nagbibigay-matwid
sa patuloy na pagsasamantala at paghahari ng makapangyarihang dayuhan sa ating
Inang Bayan. Silang lahat ay
nagtataksil sa dakilang dugo ng di-mabibilang na mga bayani ng ating
kasaysayan. Gayundin yaong mga
nagpupumilit na ibalik at pahabain pa ang lipas nang panahon ng pagtitiis, at
lalupa yaong tumutulong na muling maghari ang mga sandatang sa taumbayan
nakaumang. Ang mga ito'y nagiging
karapatdapat sa matinding paglait maging ng sarili nilang mga supling sa
sandaling mga musmos ay mamulat na sa liwanag.
Kanya-kanya
sa pag-iisip at galaw ang marami sa ating mga kababayan. Upang makaraos nang pananghalian, sariling
kapwa-maralita ay nilalamangan; "abilidad" na ganito'y nagagawa pang
ipagyabang! Kayrami pa nating mga
kapatid na sa halip na makisanib sa mga pagpupunyagi alang-alang sa katarungan,
kalayaan at kaginhawahan ng ating bayan ay sadyang bumubukod o kaya'y
nagpapasahol pa sa ating mga pagkakahati-hati, sa ating pagkakadapa.
Sa
kanila nama'y marami pa ang mapagbabago; kailangang pag-ukulan sila ng
mapanghimok na pagsisikap upang sa paghakbang ng taumbayan tungo sa ginhawa't
kaganapang inaasam, di sila kailanganing masagasaan, at sa halip ay maging mga
tunay na kapanalig - kaisa sa minimithi, kaisa sa pagpupunyagi!
Tayo'y
magtatagumpay, maaliwalas ang bukas!
Mga punyagi'y hahantong sa katubusan, at mga pagdurusa'y
mabibigyang-wakas!
Tayo'y
uunlad, isang bansang may dignidad, na walang amo at walang kaaway, walang
dayuhang baseng militar at wala ring halimaw na sandatang nukleyar, walang mga
banyagang tagapagpautang at dayuhang mangangalakal na kumukubabaw. Angking
kakayahan ng ating bisig at utak ay aalpas sa tanikala, ganap nang
bubusilak. At sa ibubunga'y taumbayan,
hindi ang sinupamang dayuhan o iilan, ang makikinabang. Sa wakas, di na
makapag-aasal-hari ang sinumang nasa pamahalaan, at sambayana'y mabubuhay at
uunlad bilang tunay na mag-anak. O,
kaysarap mabuhay sa tinubuang lupa, kung walang alipin at may kalayaan; ang
bayang sinisiil, babangon, lalaban din! Sa silanga'y magbubukang-liwayway ang
isang bagong buhay!
Kailan
kaya ito magaganap? Tatlong daang taong
inalipin ng Espada't Krus ng Espanya; isandaang taon nang pinaghaharian ng
salapi, hukbo, at pelikulang Amerikano - pagkaalipin nati'y umabot na nang apat
na siglo at lalagpas ng isa pang daantaon kung atin lamang hahayaan. Kailan pa nga ba natin kakamtin at bubuhayin
ang tunay na kapatiran at pagkakapantay-pantay, ang katarungan at kasaganahang
siyang kalakaran bago tayo nabihag apat na raang taon na ngayon ang
nakalilipas? Ang inaasahang araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin, dito sa'ting Sangkapuluan, kailan
tatanghalin? Kailan pa natin haharapin
bilang isang nagkakaisang bansa ang hamon ng lumang-luma nangh tanikala? At sa hamong ito, tayo ba ang mananaig?
Paglaya
at pagkakapantay-pantay, tiyak nating maipagtatagumpay, ngunit ito'y
maipangyayari lamang ng nagkakaisang pagsisikap ng ilampung milyong
mamamayan. Harinawang ikaw na bumabasa
ng kalatas na ito ay handang makiisa.
Kung tugon mo'y kahandaang may angking katiyakan, sa sariling mga
pag-iisip, pag-uugali at punyagi ay bigyan sana ang katugunang ito ng
katiyakang di-mapag-aalinlanganan; sapagkat kabayanihang sa dila lamang
itinatanghal, palagiang tinitimbang at palagiang kinukuang. Kung ikaw naman ay malaon nang kapanalig,
ibayo pang magpakahusay, ibayo pang magsumigasig. At ang aking ambag na ito sa panawagang tumindig ay mangyari po
lamang na tulungang makarating sa marami pang isip at dibdib.
Kailangan
ka ng Inang Bayan, ikaw ay kanyang tinatawag!
Daantaon ng Balintawak ay huwag na nating hintayin o hayaan pang
lumagpas nang maluwat bago kamtin ang naantalang nararapat! Mga kapatid, mga kababayan, panahon na! Katunaya'y kaytagal na!
Andres Esperanza
Kamaynilaan, Pilipinas
Agosto
28, 1990
[Si Ginoong “Ding” Reyes, na may-akda ng maikling nobelang Ka Andres! Ang Tindi N'yo! na kinapalooban ng tauhang "Andres Esperanza" at ng pahayag na ito ay propesor sa Asian Social Institute at sa International Academy of Management and Economics; pasimuno at direktor na tagapagpaganap ng SanibLakas ng Taongbayan Foundation; pasimuno ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan o Kamalaysayan, kalihim-pangkalahatan ng World Environment Day-Philippines Network, edukador sa tunay na diwa ng kooperatibismo, kasapi ng National Economic Protectionism Association, at pasimuno ng maraming iba pang samahan. Nakasulat na siya ng di kukulangin sa 24 na aklat at polyeto ukol sa kasaysayan, kapaligiran, kooperatibismo at maraming iba pang paksa. Kabilang sa mga ito ang The Philippines, A Century Thence (An Open Letter to Rizal) at Bonifacio: Siya Ba Ay Kilala Ko? May karanasan na rin siya sa pahayagan, sa magasin, sa radyo at sa telebisyon, at lumililikha ng mga webpages at websites para sa Internet.]