“ANG DAPAT MABATID

NG MGA TAGALOG”

"Agapito Bagumbayan" 

(Isang pangalan sa Panulat ni Gat Andres Bonifacio Maypag-asa)


[Ito ay isa sa pinakamatalas at pinakamakapangyarihang pahayag na isinulat ni Gat Andres Bonifacio Maypag-asa, na nilagdaan niyang "Agapito Bagumbayan" at inilathala ng pahayagang Kalayaan ng Katipunan noong maagang bahagi ng 1896. Ayon sa mga historyador, malaking salik daw ito sa biglaang paglobo ng kasapian ng Katipunan sa pagitan ng paglabas ng pahayag hanggang sa pagsapit ng Unang Sigaw noong Agosto 1896. May nagpapalagay na ang pangalang Agapito ay sumasagisag sa "agap ito," ngunit sa palagay ng mga mananaliksik ng Kamalaysayan, batay sa diwa ng pahayag ay mas malapit ang "Agapito" sa katagang "agape," isang uri ng dalisay at lubos na pagmamahal.]

TONG KATAGALUGAN na pinamamahalaan noong unang panahon ng ating tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan at kaginhawahan. Kasundo niya ang mga kapitbayan at lalong-lalo na ang mga taga-Hapon. Sila'y kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya't dahil dito'y mayaman ang kaasalan ng lahat. Bata't matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog. Dumating ang mga Kastila at dumulog na nakipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na diumano tayo'y aakayin sa lalong kagalingan at lalong imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsisipamahala ay nangyaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo. Gayunman, sila'y ipinailalim sa tagalang kaugalian ng mga Tagalog na sinaksihan at pinagtibay ang kanilang pinagkayarian sa pamamagitan ng isang panunumpa na kumuha ng kaunting dugo sa kaniu-kanilang mga ugat at yao'y inihalo't ininom nila kapwa, tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na di magtataksil sa pinagkayarian. Ito'y siyang tinatawag na Pacto de Sangre ng Haring Sikatuna at ni Legazpi na pinaka-katawan ng hari ng Espanya.

Buhat ng ito'y mangyari ay bumibilang na ngayon ng tatlong dantaong mahigit na ang lahi ni Legazpi ay ating binubuhay sa lubos na kasaganaan; ating pinagtatamasa at binubusog kahit abutin natin ang kasalatan at kadayuk-dukan; iginugol natin ang yaman, dugo, at sampu ng buhay sa pagtatanggol sa kanila; kinakahamok natin sampu ng tunay na mga kababayang ayaw pumayag na sa kanila'y pasakop; at gayundin naman, nakipagbaka tayo sa mga Intsik at mga Olandes na nagbalang umagaw sa kanila nitong Katagalugan.

Ngayon, sa lahat ng ito'y ano ang sa mga ginawa nating paggugol ang ating nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahil ng ating paggugugol. Wala kundi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala at mga pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo'y lalong gigisingin sa kagalingan at bagkus tayo'y binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal. Pinilit na sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan. Iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan. At kung tayo'y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap ang nagiging kasagutan ay ang tayo'y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal na anak, asawa at matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing na isang malaking pagkakasala at kara-karakang nilalapatan ng sa hayop na kabangisan.

Ngayon, wala nang maituturing na kapanatagan sa ating pamayanan. Ngayon, lagi nang ginagambala ang ating katahimikan ng umaalingawngaw na daing at pananambitan, buntunghininga at hinagpis ng makapal na ulila, balo’t mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig na Kastila. Ngayon, tayo’y malulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nakitil na buhay ng anak, sa pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan na ang bawat patak ay katulad ng isang kumukulong tingga na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam.  Ngayon, lalu’t lalo tayong nabibilibiran ng tanikala ng pagkaalipin, tanikalang nakalalait sa bawat (taong) may iniingatang kapurihan.

Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng katwiran na sumisikat sa Silanganan ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan ang landas na dapat nating tunguhin. Ang liwanag niya’y tanaw sa ating mga mata ang kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo’t lalong kataksilan, lalo’t lalong kaalipustahan, at lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran na tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran na tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala at nang tayo’y magkalakas na maihanap (ng lunas) ang naghaharing kasamaan sa ating bayan.

Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan. Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya, at pagdadamayan. Ngayo’y panahon nang dapat simulan ang pagsisiwala’t ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan. Panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang kahirapan/ Araw ng itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumutungtong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y iniuumang ng mga kaaway.

Kaya, O mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ng ating lakas, sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan.

   Anu-ano ang mga katanungan mo at opinyon?

(Wbat are your questions and opinions?)

Pangalan mo't Palayaw

(Your Name &Nickname):

Posisyon (Position)

Samahan,Tanggapan, Paaralan o Baranggay

(Organization, Office,

School or Barangay):

Mga Address mo (postal at  e-mail) fax & ibang numero,

Mailing / e-mail Addresses

Fax  & other  numbers):

Mga bagay-bagay ukol sa iyo

(Personal or work background relevant to comment or inquiry):

  S E N D  -->
   BACK TO TOP


1986