KA ANDRES!
Ang Tindi N'yo!
maikling nobela ni
Ed Aurelio C. Reyes  (1993)

Kabanata 1
BIGLAANG ASSIGNMENT .

"JENNY! GOOD!  Nariyan ka na pala!" Masiglang binati ni Robbie and paborito niyang reporter.  Si Roberto del Rosario and editor ng Daily Flash, isa sa nangungunang mga pahayagan sa Metro Manila.
.           ."Yes, Sir!" tugon ng 27-anyos na si Jennifer Velarde, sabay pahabol ng pakikiusap. "Pwede bang ma-extend ang deadline  nitong follow-up report sa mga problema ng National Museum?  Naiipit ho ako sa kapipila sa German Embassy, eh!  Sa Lunes na ang departure ko,  bitin pa rin ang visa ko!"
.           .Pinaupo siya ng editor sa silyang nasa harapan nito, bago siya sinagot. "Okay. Deadline extension approved.   Pero two days lang, ha?  Baka nagla-landing ka na sa Frankfurt, eh hindi mo pa tapos iyan!"
Nakahinga nang maluwag ang dalaga at di pa siya nakakasagot muli nang tumunog ang telepono.  Kinuha ni Robbie ang tawag. 
.           ."Hello… Ah! Arnold, iho, what is it? Can't that wait till I get home?"  Nangiti siya sa narinig.  , at sumagot ng "Yes, of course, I have not forgotten,  pero mamaya na lang natin pag-usap-…"
.           .Dahan-dahang tumayo si Jenny at sesenyas sana ng pagpapaalam para sa sarili nioyang mesa sa  newsroom. Sinenyasan naman siya ng editor na maghintay muna, habang matamang nakikinig pa rin ito sa kausap na anak.

.           .Pagkababa ng telepono, hinarap siya ni Robbie.  "Jenny, merong napakagandang 'storya, a potential hit feature article, which I think only a seasoned investigative journalist of your caliber can…"
Natunugan agad ni Jenny kung saan pupunta ang pangungusap ng editor.  "Sir naman! I only have two more additional days para sa National Museum story, tapos babalik-balik pa ako sa Embassy…"
.           .Halos pabulong ang isinunod na pangungumbinse ni Robbie.  "Okay. Naiintindihan  kita. Harassed ka na sa deadline mo.  Excited ka na sa trip mo.  Pero mas exciting ito.  Detective work ito na may sangkap na history.  Dadaigin pa yung award-winning article mo tungkol sa street children noong isang taon! What's more, exclusive sa atin ito; wala kang kasabay dito!"
.           .Tumayo si Jenny at magalang na nguniti at umiling.  Three weeks lang naman akong mawawala, Sir!  Kung history iyan, siguro naman di nas malaking diperensiya  ang tatlong linggo.  At kung nagmamadali naman, dahil alam n'yo namang hindi ko talaga trip ang history… Sir, maawa naman kayo, once in a lifetime opportunity lang ang trip kong ito!"
.           ."Nonsense!"  Sumersyoso ang lalaki.  "Huwag mo namang maliitin ang sarili mo.  Sa kalibre mong 'yan, marami pang ganyang byahe.  At kilala kita.  Tumatanggap ka ng assignment out of pure professionalism , 'tapos, before you know it, nagkakaroon ka na rin ng emotional involvement sa paksa mo, kaya't kahit history ito, pwede  ko ring sa iyo ipagawa.  Ngayon, makinig ka.  Naniniwala ka ba sa reincarnation?"
.           ."Well, medyo open ako diyan!  May mga nababasa at naririnig na ako, at may nagsabi pa sa akin na…"  Natawa siya"…prinsesa raw ako noon sa isang past life ko!  Bagay naman, di ba, Sir?  Pero what about reincarnation?"

.           .Nagpatuloy si Robbie, "Paano kung sabihin ko sa iyo ngayon na ang kakausapin mo ay isang possible reincarnation ni Andres Bonifacio at kung sabihin ko pa sa iyo na baka malapit nang mamatay ang taong ito, gugustuhin mo pa ring bang lumayas agad patungong Germany?"
.           .Napaupo uli si Jenny.  "Reincarnation ni Andres Bonifacio?  Sir, masyado namang…  wala namang ganyanan!   Huwag naman nating idamay pati national heroes natin!  Baka maging desecration lang sa kanila ang nasa isip n'yong gawin!"
.           .Halos pabulong pa rin ngunit may tinitimping sigla ang pangungumbinse ni Robbie.  "Listen, alam mo bang hanggang ngayon, si Bonifacio ay hindi pa naililibing nang maayos?1  May nabasa ako kamakailan na may proposal daw ang isang organization na magdaos ng official funeral rites sa centennial ng kanyang kamatayan sometime in 1997.2  Kung nailibing na ba siya ngang maayos, bakit magkakaroon pa ng ganoong proposal?   If I remember my Philippine History, he was killed in a mountain in Cavite and buried in a shallow grave, that is if he was really buried at all.  Ewan ko, Jenny, di ba posible ngang magmulto o mag-reincarnate ang isang kaluluwa, laluna kung may dahilan para di siya matahimik?  At the very least, the nation still owes him that funeral ceremony, di ba? 
.           .Nakangiting umiling-iling si Jenny.  "Di ko alam, Sir, I'm not sure I follow the logic…"
.           .Di ko rin tiyak ang lohika ko.  Pero malakas ang kutob ko na may importanteng 'storyang dapat  gawin sa natuklasan ni Arnold.  Call it intuition, maybe, but the way my son describes this old man in Tondo…"
Tumayong muli si Jenny at nagsimulang ayusin ang mga gamit niyang nakalapag sa mesa ng editor.  "Sir, I hope you won's take this against me, at huwag n'yong isiping nire-reject ko ang ideas n'yo. If there is one thing I admire in you, 'yan ay yung kalikutan ng utak n'yo and your nose for good stories. Pero, Sir, di ba pinirmahan n'yo na ang leave ko effective tomorrow?  Tatapusin ko na lang ho yung Museum story.  Please understand me naman, Sir!"

.           .Tumayo rin si Robbie.  "I know and I understand, Iha, pero kung ako naman ang magsasabi sa iyo ng 'Please,' ganito ang proposal ko.  Let's postpone your Museum strory hanggang makabalik ka mula Germany.  Imbes na iyon ang gagawin mo sa two-day extension, pumunta ka sa Tondo at sasamahan ka ni Arnold. See this old man, and be sure to read those writings na ipinakita niya kay Arnold. Napaka-intriguing daw!  Pagkatapos, ikaw na ang tumantya kung peke, kung weird, o kung may mararamdaman ka ngang mysteriousThen tell me straight in the eye: 'Sir, mali ka, wala ito, kalokohal lang ito, sira-ulo lang ito!'"
.           .Natawa si Jenny. "Sige, Sir!  Basta, isang punta lang, ha?  Pupuntahan ko siya bukas.  Tapos, padadalhan ko na lang kayo ng  postcard mula sa Germany."
.           .Inialok ng editor ang kanyang kamay. "Hindi puwedeng postcard lang! Tell me straight in the eye!" Nagkamayan sila. "I'll tell my kid to be here tomorrow morning."
.           .Nagsimulang lumakad si Jenny patungo sa mesa niya. Pagkatapos ay nilingon si Robbie ng pahabol na "Sir, ido-drowing ko na lang sa postcard ang aking nakadilat na beautiful eyes!"  At humalakhak siya.  Nakitawa sa kanya ang nadaanang mga ka-opisinang gaya nina Benjie, kahit di nila naiintindihan ang puno't dulo ng kanyang paghalakhak. 
Si Benjie ang batikang reporter na nanliligaw sa kanya ngunit di raw naman niya "type."  Kaya sinabihan niya ito noon pa na may boyfriend na siyang isang negosyante.
.           .Buhos na buhos sa paghalakhak si Jenny.  Wala siyang kamalay-malay na  luluha muna siya nang marami bago makatawang muli nang ganoon.

ITUTULOY  

sa Kabanata 2: SYOTANG SELOSA


.....1Ang mga labí ni Bonifacio, ayon sa ulat, ay tinabunan ng lupa matapos siyang patayin.  Hinukay ang kanyang mga buto paglipas ng maraming taon, ngunit inilagay lamang diumano sa isang sako na itinapon sa likod ng tanggapan ng Veteranos de Revolusion (na pinamumunuan noon ni Aguinaldo) ngunit nabawi ng mga kapanalig ng Katipunan.  Nang maglaban sa pagka-Pangulo ng Commonwealth sina Quezon at Aguinaldo, ipina-display ng una ang mga buto ni Bonifacio sa Philippine Museum upang patampukin ang kabuktutan ng kanyang kalaban. Naroon pa sa gusaling iyon ang mga labi nang bombahin at puldusin ni Hen. Douglas MacArthur ang halos lahat ng gusali ng Maynila noong 1944, kasama na ang gusaling nabanggit (na pagkatapos ay muli nang naitayo at matapos maging gusali ng Kongreso ay tahanang muli ngayon ng Pambansang Museo. .. .....2Nang isulat ang novelette na ito noong 1993, hindi pa naidadaos man lamang ng Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan) ang Simbolikong Libing ng Mamamayan kay Gat Andres Bonifacio. Ginanap ang seremonya noon nang Mayo 10, 1997, ika-100 taong kaarawan ng kanyang pagkamatay, na dinaluhan ng mga kaanak ng bayani, mga pinuno ng Kamalaysayan, guro at mag-aaral ng kasaysayan, alagad ng sining, at mga opisyal at tauhan ng pamahalaan.  Ginanap ito sa Kweba ng Pamitinan, na nasa bayan ng Montalban (Rodriguez), sa lalawigan ng Rizal.
.....Sa ngayon (1999-2000), nagtatambal ang Kamalaysayan at ang pamahalaang lokal ng Pasig City sa pangangampanya na bigyan ng pamahalaan ng karampatang state funeral si Bonifacio.

back to the opening window


2152 / Sept. 6, 2000