KA ANDRES!
Ang Tindi N'yo!
maikling nobela ni
Ed Aurelio C. Reyes  (1993)

Ang Nakaraan 

Kabanata 2
SYOTANG SELOSA?

DALAWANG ORAS bago nakatakdang makatagpo ni Jenny si Arnold del Rosario sa lobby ng upisina ng pahayagan, naupo siya sa harap ng kanyang mesa.  Isinubo niya ang diskette1 sa computer na nasa ibabaw nito, upang silipin ang ginagawa niyang artikulo ukol sa National Museum.

Paglabas ng simula ng artikulo sa monitor screen, binasa ito ng dalaga, at nagsingit siya ng isang pangungusap sa ikatlong talata.  “This is the grave problem of what should be the temple of the Filipino soul…” 2  Pagkatapos ay binaybay ang teksto hanggang kalagitnaan, at nagbago ang isip sa gagawin.  Isinara niya ang artikulo sa computer, tinanggal ang diskette at ipinatong ito sa bandang gilid ng mesa.  Pagkatapos ay tumingin sa kanyang relos.

“Hay, naku! Two hours to go at hindi ko alam kung ano’ng gagawin ko.” bulong niya sa sarili. “Kung bakitkasi napaaga ako rito, tapos, may klase pa itong ka-date kong totoy!”

Isinubo niyang muli sa computer ang kanyang diskette at binuksang muli ang artikulo ukol sa National Museum.  Binaybay niyang muli ito mula simula hanggang dulo, at pabalik sa simula, nang madaanan niya ang isang pangalan: “In an interview with Daily Flash, Romeo Barrios of the National Museum’s Education Division said…”

Inalis niya sa monitor screen ang artikulo, binunot uli ang diskette, at pumunta sa teleponong pinakamalapit sa kanyang mesa.  Hello, Mr. Barrios please…     

Tinanong niya angtinawagan kung may alam ito sa sinabi ni Robbie na hindi pa raw naililibing nang maayos ang mga labí ni Andres Bonifacio.  “Ano’ng nawawala? What do you mean?  Nawawala ang ano?” Nagkunot ng noo si Jenny habang nakikinig sa kausap.

Maikli lamang ang pag-uusap na iyon na nagwakas sa pagsabi niyang “Okay, I’ll call this Mr. Encarnacion. Thanks, ha! And please tell Mrs. Tantoco na medyo made-delay ang paglabas ng aking series tungkol sa location problem ng Museum.  Salamat uli, ha!”

Hindi nakausap ni Jenny ang hinanap niya sa sumunod niyangtawag.  “Sayang,” wika niya sa sarili, “mabuti rin sanang may alam na ‘ko tungkol sa kinahinatnan ng remains ni Bonifacio bago ko makaharap yung sinasabing misteryosong matanda.  Come to think of it, halos wala rin yata akong alam tungkol sa mga ginawa niya at sinabi niya noong buhay pa siya!  Papano ko nga masusuri yung sinasabing baka reincarnation yung kakilala ni Arnold?  Paano kong makukumbinse ang Robbie del Rosario na ka-weird-ohan lang ang ideyang kumikiliti sa utak niya?

Bumuntonghininga si Jenny at sumulyap muli sa kanyang relos.  Noon niya naisip na para magamit ang panahon ay sasaglit siya sa National Library na malapit-lapit lang sa upisina nila.  Ilang sandali pa, nakapagbilin na siya sa security guard na papaghintayin si Arnold sakaling dumating ito nang mas maaga sa kanya, nakakuha agad ng taxi, at bumaba na s sa harap ng gusali ng aklatan.

Kakaunting libro lamang ang natagpuan niya na tungkol kay Bonifacio, gaya ng Revolt of the Masses at The Writings and Trial of Andres Bonifacio na kapwa inakda ni Teodoro Agoncilio.  Dahil nasa pamagat mismo ang pangalan ng bayani, ang pangalawang aklat ang napili niyang basahin.  Hiniram niya ito para maipa-xerox sa loob mismo ng aklatan ang lahat ng pahina ng bahagi ng aklat na nasa wikang Tagalog. Hindi na niya tinangkang hiramin ito para iuwi dahil mangangailangan pang bumalik siya doon kinabukasan para isauli ang libro, at gahol na nga siya sa panahon sa paghahanda sa pag-alis tungong Germany.

Binasa-basa na rin niya kaagad sa xerox copies ang mga titulo at umpisa ng mga sinulat ni Bonifacio.  Writer din pala ito, ‘kala ko, puro itak lang ang alam nitong hawakan… Let’s see. Hmmm….

ANG DAPAT MABATID NG MGA TAGALOG

Ytong katagalugan na pinamamahalaan ng unang panahon ng ating tunay na mga kababayan niyaong hindi pa tumutungtong sa mga lupaing ito ang mga kastila ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan at kaginhawahan. Kasundo niya ang mga kapit bayan at lalung lalo na ang mga taga Japon. Sila’y kabilihan at kapalitan ng mga kalakal. Malabis ang pag yabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya’t dahil dito’y mayaman ang kaasalan ng lahat, bata’t matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga tagalog…

“Ang lalim naman ng Tagalog nito! Pati mga ispeling iba pa! Ano naman kaya itong isa pa?”

KATIPUNAN MARARAHAS NG MGA ANAK NG BAYAN

Ang inyong ipinakitang katapangan sa pakikihamok sa kaaway na mga kastila buhat pa nang simulan itong paghihimagsik ay siyang nagsasabing mataas na di ninyo ikinasisindak ang ugong ng paghahanda at pagsalakay dito ng hukbong akay ni Polavieja…

“Uhmm!” Tiningnan niya ang sumusunod pang mga pahina…

PAG-IBIG SA TINUBUANG BAYAN

Alin pag-ibig pa ang hihigit kaya

sa pagkadalisay at pagkadakila

gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?

Alin pag-ibig pa?  Wala na nga, wala…

Teka, ito yata yung kanta, ah!”  At nagpatuloy pa siya sa pagtunghay sa iba pang naroon.  Katapusang Hibik ng Pilipinas!  Natatandaan ko ito! Parang pinag-aralan yata naming… o nabanggit lang ba ni Prof. Balatbat?  …Okey, ano kaya itong ‘Cazadores’?”  Napamulagat siya.  “Aba! May translation pala siya ng ‘Ultimo Adios’?”

Nagbasa-basa pa siya ng ilan sa mga ito.  Sinilip din niya ang mga teksto ng mga sulat ni Bonifacio kay Emilio Jacinto at ang “Mga Kasulatan sa Paglilitis,” bago niuyanapansing mahabang oras na ang naitatagal niya sa aklatan at kailangan na niyang bumalik sa upisina.  “Naku!  Baka naroon na yung Arnold!”

Nauna nga sa kanya nang bahagya ang katagpo sa pagdating sa Daily Flash.  Nagpakilala agad ng sarili ang binata nang senyasan siya ng gwardya.

Nabigla si Jenny.  Inaasahan niyang “totoy na totoy pa” itong makakaharap niya, dahil ganoon ang larawang nalikha sa utak niya mula sa mga pagkukwento ng ama nito. “Sabagay, para nga naman sa mga ama ay lagging mananatiling musmos ang kanilang mga anak.  Yun pala, binatang-binata na, maskulado at…”  Napahinga siya nang malalim, “…ang pogi-pogi naman ng tinamaan ng lintek na ito!”

Nakaalpas sa sandaling pagkamangha si Jenny nang tanungin siya ng binata, “Lalakad na ho ba tayo?  Sorry ho at tinapos ko pa yung klase ko.  Hirap ho kasi ako sa English-102, eh!”

“Di naman tayo masyadong nagmamadali.  Mag-snacks muna tayo diyan sa tapat, at ikwento mo muna sa akin yung sinabi mo sa tatay mo.  This guy must really be something, ha?  Na-excite mong mabuti ang editor ng Daily Flash!  Di madaling gawin 'yon!  Halika na.  I’m treating.  At huwag ka ngang ‘ho’ nang ‘ho’ sa akin. Baka maging ‘feeling-matrona’ na ako niyan.”  

“Oho!  I mean, sige, oo!”  Nagtawanan sila nang kaunti.

Maya-maya pa ay nasa gitna na sila ng masinsinang pag-uusap sa isang kapihan sa tapat mismo ng upisina ng pahayagan.

“Yung girlfriend kong si Pinky ang nagpakilala sa akin kay Andres Esperanza, who prefers to be called Ka Andres. Gusto ko sanang tawaging ‘ndrew E.,Sr.’ pero baka magalit,” kwento ni Arnold.  “Nagsimula ito noong July last year.  Ni-require kami ng History-101 teacher naming na panoorin yung film na Bayani sa Mega-Mall.  Paglabas naming, andaming criticism ni Pinky dun sa palabas, kesyo daw kahit inilinaw na art film ay ay baka raw makapagbigay ng distorted history sa mga bata, mga impressionable youth, kumbaga!”

Sumubo ng doughnut si Arnold bago nagpatuloy.  “Okey naman daw ang artistry, pero sira daw ang point of view dahil yun nga, point of view ng pumatay sa bida na halos diretsahan namang tinutukoy na si Bonifacio. Sa akin naman, okey lang dahil nanood lang ako para maka-fulfill ng requirement.  Sa loob nga ng sinehan, hindi ako palaging sa screen nakatingin, kundi, alam mo na syempre, kasama mo ang  syota mo sa sinehan… medyo madilim… close-up view sa beauty niya.”

Medyo humina ang boses ng binata at namula ang mukha sa nahihiyang pagngiti.  Lalo siyang kumisig, sa tingin ng dalaga.  Pero nanatiling seryoso si Jenny, dahil gusto niyang lumitaw na sa kwento ang matanda. 

“Hayon, de paglabas naming, medyo nang-aalaska pa ako.  Sabi ko, talaga namang dapat na ipinapatay ni Aguinaldo si Bonifacio.  Medyo napikon si Pinky, at nagdebate kami.  Masyado siyang seryoso!  Ako naman, puro pang-aasar lang ang pakikipagdebate ko, parang devil’s advocate lang, kumbaga, dahil ‘trip’ ko lang talaga na asarin siya, dahil sabi ko nga, lumalabas lalo ang kaseksihan ng mukha niya pag galit siya. Anyway, sabi niya, kung gusto ko raw, yung lolo niya sa Tondo ang kausapin ko.  Yun daw Andres Esperanza na nagsabi sa kanya ng mga bagay-bagay tungkol kay Bonifacio, mga bagay daw na hindi alam ng mga ordinaryong taong tulad ko, tulad natin siguro.”

Biglang ibinaba ni Jenny ang tasa ng hinihigop na kape nang marinig ang tungkol sa binanggit na matanda.  Pumapasok na ang kwento sa parteng hinihintay niya!

“Nakausap mo raw itong Andres Esperanza? May mga ipinabasa raw sa iyo?  Bakit nasabi mo raw sa father mo na baka ‘reincarnation’ ito ni Bonifacio? What’s the basis?  At bakit sabi’y baka malapit na raw mamatay?” Biglang tumigil si Jenny nang mapansin niyang napakarami na niyang tanong sa kausap.  Itinuloy niya ang paghigop ng kape.

“Hindi sa akin nanggaling yung salitang reincarnation.  Kay Daddy ‘yon! Nakuha niya siguro sa descriptions ko at sa kanyang current bedtime reading tungkol sa ganitong mga bagay – karma, reincarnation, pati paranormal at psychic phenomena, yung mga ganoon.”

Iniba ni Jenny ang tanong, “Okay, how did you describe this man to your father?  Tell me all you can remember about this Andres Esperanza. Halimbawa, how old is the guy?”

Hindi nakasagot si Arnold.  Napatanga siya sa natanaw sa may pintuan ng kainan.  “Lagot!  Si Pinky, tumatawid papunta rito!”

Lumingon si Jenny.  “Yung girlfriend mo?  Eh di mabuti, para makausap ko rin!  Ba’t naman para kang…”

Pabulong ang pagsagot ni Arnold. “Napakaselosa niyan. Akala ko naman kasi matanda na ang ipapakausap sa akin ni Daddy.  Selosa ‘yan lalo na tuwing may kausap akong maganda…”

Napangiti nang bahagya si Jenny sa dulo ng sinabi ni Arnold, na agad naming tumayo para batiin ang pumasok na kasintahan.  “Miss Jenny, this is my friend, my girlfriend, Pinky Jacinto.”

Agad iniabot ng dumating ang kamay niya. “Pinky Ann Jacinto, ho. Lagi lang nalilimutan nitong si Arnold ang ‘Ann.’ Sabi ng nanay ko, importante raw ‘yon.”  Nagngitian sila at nagkamayan.

Come, join us!” alok ni Jenny, “Ano’ng gusto mong snack?  I’m glad you’re here. Sabi nitong si Arnold, lolo mo raw iinterbyuhin ko?”

Nagulat si Pinky.  “Interview?”  Tumingin siya kay Arnold at sumimangot. “Alam ba ni Ka Andres?  Ipinagpaalam mo ba sa kanya ‘to?”

“Wala naman sigurong masama r'on!” sagot ng binata, “the old man appeared eager to convey his message to me. Para nga siyang may gustong sabihin sa mundo, so I told my father, and he assigned her at inutusan din niya akong samahan si Jenny sa Tondo.”

“Inutusan ka ng Daddy mo? Kelan? Ngayon? Kaya ba hindi mo ako masasamahan sa Makati Museum?  I’m not sure that would be a good idea.

Hindi napigilan ni Jenny ang pagsimangot din.  Bakit nga kaya parang galit agad sa kanya itong si Pinky?  Nagseselos nga kaya, o baka kayabangan lang ni Arnold ang tungkol sa selos?  O baka naman may dahilan para umayaw na makipag-usap sa isang reporter yung matanda?

Bulong niya sa sarili, “Kung ayaw n’yo, huwag n’yo! Hindi ako ang makikiusap!  Pinilit lang ako dito ng editor ko, ano! Pero… on the other hand… medyo interesado na rin yata ako rito.  Kinukutuban na rin yata ako. Baka nga may ‘storya nga rito!”

Inalis niya ang kanyang simangot, at napansin niyang dahan-dahang lumambot ang mukha hanggang sa ngumiti na nang bahagya si Pinky, at sumagot sa tanong niya. “Actually, grand uncle ko siya, o great grand-uncle ba? Basta gano’n, something like that. Pero teka, pwede akong magkwento tungkol sa kanya basta’t wala ka munang isusulat  until malinaw nating makuha ang permiso niya. Okay?”

Natuwa si Jenny.  “Sure!” pangako niya. Kukuha ako ng notes, pero hindi ako gagawa ng artikulo nang walang clearance ng lolo mo.”

Natuwa rin si Arnold, inakbayan ang kasintahan niya at masuyong hinalikan ito sa noo.

Sa namasdang ito ay parang may kumurot sa puso ni Jenny.  Para bang noon ay bigla siyang nainggit kay Pinky. “Akala ko naman kasi, totoy na totoy pa itong anak ni Robbie,” bulong niya sa sarili, “yun pala, ganito…”  

Abangan ang Kabanata 3: KWENTUHANG NAGULANTANG


back to the opening window


3765 / Sept. 6, 2000