Free Web Hosting Provider - Web Hosting - E-commerce - High Speed Internet - Free Web Page
Search the Web

 

“ANG DAPAT MABATID

NG LAHAT NATING KAPATID”

Ed Aurelio C. Reyes 

Kamalaysayan Writers and Speakers

 

 

[Ikalawang sanaysay ko na po ito na pinamagatang “Ang Dapat Mabatid ng Lahat Nating Kapatid.” Ang una, na isinulat ko noong Agosto 1993 at naging bahagi ng maikling nobelang Ka Andres! Ang Tindi N’yo!, na inilimbag noong taong iyon at noong 1995. Doo’y ang matandang tauhang si "Andres Esperanza"  ang ginawa kong awtor. Tumatalakay iyon sa mahabang kasaysayan ng taongbayan dito sa ating kapuluan mula sa libu-libong taong sila’y malaya pang mga tagailog at di pa nasasakop ng paghaharing dayuhan. Dahil napakahalaga ng kontekstong pangkasaysayan, ang naunang sanaysay na iyon ay ipinasya kong isama sa kasalukuyang artikulo sa iisang polyeto. Gayundin po ang makapangyarihang pahayag na “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” na isinulat ni Gat Andres Bonifacio Maypag-asa  Maypag-asa, nilagdaan niyang “Agapito Bagumbayan,” at inilathala ng paha­yagang Kalayaan ng Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan noong maagang bahagi ng 1896.

[Ang kalakhan po ng kasalukuyang sanaysay ay ihinanda at isinulat ko noong Disyembre 29, 2004, sa “Aklatang Parola” sa Napindan, Taguig, at ihinahandog ko ngayon bilang isang pam-Bagong Taong pag-aalay sa lahat ng tunay na nagmamahal sa ating Inang Bayan. Hinihikayat ko po kayo na magdaos ng mga pormal at di-pormal na mga talakayan ukol sa mga nilalaman nito. Ang anumang komentaryo o katanungan ay ipadala po sana sa pamamagitan ng "Feedback Box" na nasa dulong ibaba ng webpage na ito. Salamat po.]

ATULOY SA PAGSULONG ang buháy na kasaysayan ng Taongbayan sa Pilipinas, sa kabila ng patuloy rin at papabilis pa ngang paglubha ng ating mga suliranin. May nababanaag nang muling pagbubukang-liwayway ng pag-asa sa puso ng ating mga kababayanan, narito man sila sa Pilipinas o nasa ibayong-dagat.  Unti-unti ngunit papabilis na nagaganap ito sa patuloy nating pagkatuto sa mga karanasan, sa patuloy nating pag-uunawa sa mga ugat ng ating kahirapan, at sa patuloy nating pagbubuo ng makapangyarihang pagsasanib-lakas ng taongbayan, laluna sa mga lokal na pamayanan at sa mas masaklaw na mga pagba­bayanihan.

Tumatalas ang maliwanag na patnubay ng mga aral ng Kartilya at iba pang sulating Katipunero sa kasalukuyang mga pagsisikap nating magpakaTao at makipagKapwa-tao, isang tahimik ngunit tunay at masigasig na pagsisikap ng papalaking bilang ng ating mga kababayan.  Sa ganitong personal at sama-samang pagsisikap ay dahan-dahang lumilinaw at nabibigyang-kaganapan sa puso at diwa ng paparami nating mga kapatid: magwawakas na ang ating pagiging “Alipinas,” at mananaig na ang matagal na naikubling katangian natin bilang isang “DakiLahi.

Ang papalaking pag-asa ay sama-sama nating nililikha at sama-sama nating nadarama, habang sa paglubha ng mga suliranin ng bayan ay paparami rin ang ganap nang nawawalan ng pag-asa. Ang talino ng karaniwang mamamayan upang malalimang makapagsanib-aral at makabuo ng mga kalutasan, at ang determinasyon nating maipatupad ang mga kalutasang ito sa kaparaanang bayanihan ay unti-unting tumatalas habang paparaming kababayan natin ang natatauhan sa katotohanang bawat isa sa atin ay anak at butil ng Bathalang Maykapal.

Hindi tayo nilalang ng Lumikha upang maging palaasa na lamang sa kakayahan ng iba, upang maging mga alipin na lamang habambuhay, upang magkani-kanyang buhay na lang at limuting tayong lahat ay iisa, o upang maging palasuko sa harap ng malalaking kahirapang makakaharap sa pagsisikap. Nilikha tayong pantay-pantay sa taglay na mga batayang kakayahan at dignidad, na sa ating totohanang pagpapakaTao at pakikipagKapwa-tao ay magagawa nating mabisang igiit at buong-linaw na patunayan! Ang pangunahing lunas ay nagmumula sa ating pagtuklas at paggising sa tunay nating kalooban!

Papalubhang Kaalipinan

Papabilis ang paglubha ng ating mga suliranin sa ekonomiya, at tumatagos ito sa iba pang larangan ng ating buhay. Kahirapa’y di maligtasan kahit ng mga kababayan nating nangingibang-bayan upang kumita ng salaping dayuhan. Patuloy na lumiliit ang halaga ng ating pera, patuloy na lumolobo ang halaga ng ating mga utang panlabas na kailangang bayaran ng dolyar, at patuloy na lumulubog ng ating ekonomiya, at ang lahat ng ito’y dulot ng pagkalugi natin taun-taon sa mga transaksyong panlabas.  Papalaki pa nga ang pagkalugi!

Ang patakarang maraming dekada nang idinidikta ng mga pandaigdigang institusyon sa usura ay pinapanigan ng mga ekonomistang aral sa sistema ng mayayamang bansa at masunuring ipinapatupad ng sunud-sunod na administrasyong ang habol lang ay manatili sa poder at makatanggap ng kubling parte mula sa dambuhalang kita ng mga banyagang namumuhunan at banyagang nagpapautang. Sangkap sa ganitong palakad, at napagkakamalan pang pangunahing ugat ng problema, ang laganap na kabulukan sa pamahalaan. Ngunit ang paglagda ng matataas na opisyal ng sari-saring kontrata at batas na pabor sa mga banyaga, kapalit ng malalaking suhol, ang mas malaking ugat ng ating kahirapan — tinitiyak sa mga kasunduan at batas na ito ang pagkalugi ng ekonomiya’t mga negosyo ng Pilipinas. Mas malaking dihamak ang kalugihang ito taun-taon kaysa sa limpak-limpak na ninanakaw ng mga opisyal sa gubyerno!

Maka­pangyarihang gamot daw sa pang-ekonomiyang sakit ng Pilipinas ang pagpasok ng mga puhunang dayuhan. Ngunit tiyakang binabawi ng mga mamumuhunan ang anumang ipinapasok na kapital at inilalabas itong muli nang kasama na ang inaasahang tubo, kaya’t sa suma-total ay laging lugi tayo kahit nakakalikha nga sila ng mga trabaho para sa binabarat na mga obrero. Maraming dekada nang karanasan ang nagpapatunay na ang ganitong patakaran ay hindi gamot kundi lason sa ating kabuhayan bilang bansa. Sa marami pang pagkakataon, sa halip na magpasok talaga ng kapital ay umuutang lang nila sa naiimpok natin sa  mga bangko sa Pilipinas, garantisado pa ng gobyerno. Sa gayo’y naigigisa nila tayo sa sarili nating mantika!

Sa kasalukuyang hugis ng kalakarang pang-ekonomiya ng Pilipinas, empleyo lamang sa mga serbisyo at pamilihan ang itinatakdang papel para sa ating mga kababayan, bukod sa maliit na produksyon sa pagsasaka at pangingisda. Walang nagaganap na malalaking produksyong industriyal na minamay-ari ng ating mga kababayan. Kaya’t hindi kataka-takang papalubha ang ating kahirapan! Hindi rin kataka-takang nakalagpas na sa atin ang dating mga kulelat na ekonomiya sa Asya, samantalang lahat naman ay apektado ng sunud-sunod na mga pampinansyang krisis sa Asya at sa daigdig.

Ang tinatawag na “pambansang ekonomiya” ay malayo sa nararapat na pagsasanib-lakas ng mga lokal na ekonomiya o pagsasanib-lakas ng mga sektor ng ekonomiya sa loob ng Pilipinas o dapat na kombinasyon ng mga ito. Ang tinatawag na “pambansang ekonomiya” ay hindi pag-aari at di kontrolado ng ating mga kababayan, kundi isang instumentong pangkontrol sa atin upang hindi tayo makapalag habang patuloy na sinisipsip ng mga higanteng usurero at higenteng negosyanteng banyaga ang dugo ng bayan.

At ang tinatawag na “pambansang pamahalaan” ay hindi instrumento ng taongbayan upang maayos nating mapamahalaan ang paggamit at pagpapaunlad ng ating mga yamang-tao at likas na kayamanan tungo sa pagtugon sa ating mga batayang pangangailangan sa buhay. Hindi ito instrumento ng pagsasanib-lakas ng mga lokal na pamahalaan. Sa halip, ang “pambansang pamahalaan” ay instrumento ng mga global na gahaman upang kontrolin ang ating bansa at patuloy na maipilit ang kanilang mga patakaran at programang nagsasamantala at nagnanakaw sa ating mga kayamanan.

Napakarami nating maihahalimbawa sa katotohanang ito, kung may kaunti man lamang talas ang ating mga paningin.

Sa halip na suportahan ng pambansang pamahalaan ang mga negosyo ng ating mga kababayan o ang mga ekonomiyang lokal, ang papalaki nating pasaning buwis ay inilalaan nang awtomatiko sa bigong paghahabol taun-taon sa pagbabayad sa mga utang na panlabas o kahit sa interes man lamang sa mga ito. Kasunod na priyoridad ang mga gastusin at proyektong madaling magatasan ng malalaking opisyales ng kupit o “kickback” na idinedeposito nila sa naglalakihang “bank accounts” sa ibang bansa o ipinagpapagawa ng naglalakihang mansyon sa iba’t ibang lugar.

At kasabay ng pagpapasa ng responsibilidad sa mga pamahalaang lokal sa pagbibigay ng batayang mga serbisyong pampubliko, ang kakapirasong parte sa nakukulektang buwis (“internal revenue allotment”) para sa mga lokal na pamahalaan ay madalas na naaantala at tinatangka pang kaltasan. Kaya’t kinakapos nang malaki ang magagasta ng mga lokal na pamahalaan sa mga serbisyong ito, at nagkakadoble-doble tuloy ang gastos ng mamamayan sa mga serbisyong kailangan na ngayong iasa sa sektor na pribado, habang lumalaki kapwa ang ibinabayad na buwis para sa “pambansang” mga gastusin at sa mga buwis na lokal.

Mapanganib ang ganitong kalagayan!  Ang mga mamamayang Amerikano ay nag-alsa laban sa Kaha­rian ng England noong 1776 dahil sinisingil sila ng buwis nang wala naman silang kinatawan sa pagbubuo ng patakaran sa pamahalaan. Mas masahol ang kalagayang habang papaliit ang serbisyo at kabuang silbi ng gobyerno, papalaki pa ang kinukulekta nitong buwis, laluna ang di-tuwirang mga buwis na nakapatong sa presyo ng lahat ng bilihin.  Sa patuloy na pagbigat pa ng kalagayan ng ating mga kababayan. Darating ang panahong hindi na natin matitiis ito. 

Kahit ang mapagtiis na kalabaw ay matututo ring sumuwag sa malao’t madali. Malamang na hindi bahagya at pakunwari lamang na pagbabago (gaya ng pagpapalit lang ng nakaluklok sa Palasyo) ang kanilang igigiit sa kaparaanan pang mabagsik! O, mas malala pa, baka umabot ito sa kaguluhang madugo ngunit wala namang malinaw na pinatutunguhan, kung ang deliryo ng kagutuman ay humantong na sa maramihang pagwawala. Sa ganoong kalagayan, tiyak na pagsisisihan ng mga may-kaya at nakakaraos pa ang naunang mahabang panahon ng kanilang pagwawalang-bahala sa kalagayan ng ating mga kapatid na namuhay sa matagal at matinding pagkagipit.

Kailangang ipaalala sa lahat na gustuhin man natin o hindi, ang buhay nating lahat ay magkakaugnay, magkakarugtong, nasa iisang malawak na pagkakapit-pulso. Kailangang ipaalala sa lahat na ang mga yamang nakaw ay binabawi rin sa iba’t ibang paraan ng Pinakamakapangyarihang Hukom na nakakakita ng lahat. Ang ilan ay kaagad na nabibisto ng mga tao, o kaya’y naghihirap sa sandaling maalis sa pwesto. Lahat sila’y tiyak rin namang mamatay nang walang materyal na kayamanang madadala sa kabilang-buhay, at maaaring ang maipapamana lamang sa kanilang mga anak at apo ay mga pangalang sukat pandirihan ng lipunan.

Sa ganitong papalubhang kalagayan, hindi natin masisisi ang ating mga kababayan na nawawalan na ng pag-asang malulutas pa ang mga suliranin ng Pilipinas, at nagsisikap na makatakas. Ang may kakayahan o may nagagawang paraan ay lumalabas ng bansa upang sa ibayong-dagat makakita ng ikabubuhay o, kung maari pa nga, doon na rin manirahan, magretiro at mamatay.

Ito’y sa kabila ng katotohanang marami pa rin sa kanila ang nakadarama ng malalim na pagmamahal sa ating Lupang Tinubuan, na nanaisin pa rin sana nilang uwian at damayan kung may makikita lang sana silang anumang sinag ng pag-asa sa mabuti-buting kinabukasan ng ating bayan.

Habang sila’y dapat nating unawain, nakapanghihinayang pa rin na naipagkakait ang maiaambag sana nila sa pagbubuo at pagsusulong ng mga kalutasan sa mga suliranin ng bayan, o makapigil sa mas mabilis na paglubha.

Halimbawa, habang kinakapos ng manggagamot laluna sa ating mga kanayunan, dumarami sa mga kababayan nating nagtapos ng medisina ang muling nag-aral upang maging mga nars sa Amerika. Habang kinakapos ng guro sa ating mga paaralan, dumarami rin ang mga dating nagtuturo na lumalabas ng bansa upang maging yaya ng mga bata sa Hongkong, sa Europa at iba pang lugar.  Habang kinakapos tayo ng kaunlaran sa teknolohiya, maraming magagaling na imbentor sa Pilipinas ang napipilitang ihandog ang kanilang talino sa mayayamang bansa sapagkat dito’y wala silang napapalang biyaya, kaganapan o pagkilala man lamang!

Ang karamihan ng di makaalis ng Pilipinas ay tumatakas sa ibang paraan—sila’y nagpapasyang magkanya-kanya na lamang at ang isipin lang ay ang kapakanang sari-sarili at ng sari-sariling pamilya. Tumatakas sila papasok sa kani-kanilang tahanan upang doon ipaglungga ang kanilang kakayahang magmalasakit. Tumatanggi silang lumahok nang aktibo sa sama-samang mga pagsisikap sa mga pamayanan tungo sa kanilang pagsasanib-lakas upang makamit ang bahagya man lamang na kaluwagan at ginhawa. 

Sa maraming pagkakataon, nagiging bahagi pa nga sila ng mga suliranin ng komunidad, laluna kung ang demoralisasyon at kawalang-malaskit sa kaayusan ng komunidad ay ihinahawa pa nila sa iba at, mas masahol pa, kung nasasangkot na sila sa mga panlalamang sa kapwa o sa tahasang mga krimen.

Bagong Pag-asa Mula sa Taongbayan

Madalas nasasabing wala raw kaloobang pulitikal o “political will” ang mga opisyal ng pamahalaan para sa kalutasan ng mga suliranin ng bayan at ng bayan-bayan.  Sa totoo lang, malinaw ang “political will” ng marami o karamihan sa kanila: ang desidido at epektibong pagpapayaman sa sarili at pananatili sa poder. At dahil, wala pa namang malinaw na nakikitang pagbabagong magagawa sa pulitika ng bansa, maliban sa pagsasalitan ng iba’t ibang maliliit na pangkat na pulitikal at militar sa trono ng kapangyarihan, sa paraang ang mamamayan ay kasangkapan lamang, ang nakararami sa ating mga kababayan ay talagang walang mabanaag na pag-asa sa larangan ng kalakarang pampulitika.

Sa kabila ng pagiging gahaman, tuso, mapang-api at makasarili ng mga pulitiko, laluna yaong mga nakaluklok sa matataas na posisyon sa pamahalaan ng Pilipinas, hindi sila ang ugat ng kabulukan sa sistemang pulitikal na kasalukuyang umiiral. Ito ay nakaugat sa tiwarik na direksyon ng pagkakabuo ng Pilipinas bilang isang bansa.  Balik-aralan natin ang kasaysayan ng mga ugnayang pampulitika sa Pilipinas.

Noong unang panahon, libu-libong taong ang pulitika sa ating kapuluan ay mailalarawan bilang maraming maliliit na pamayanang nagbabayanihan sa pagbubuo ng mga patakaran at pagpili sa mga pinunong mangunguna sa pagpapairal ng mga ito. Nag-uugnayan ang mga pamayanang ito at nagbubuo ng mga kasunduang patas at kapaki-pakibabang sa lahat ng panig. Ang likas na patunguhan ay pagbubuo ng mas malalaking mga pamayanan bilang kusang-loob na pagsasanib-lakas ng maliliit na pamayanan. Kung hinayaan lamang ang hiwa-hiwalay na mga pamayanang ito ng “malayang mga taga-ilog” ay tiyak na magkukusa silang magbuklod nang magbuklod hanggang sa ang kaisahan nila’y sasaklaw na sa kalakhan o kabuuang mga bahagi ng Luzon, Kabisayaan at Mindanaw, kundi man lagpas pa rito.

Ito ang pagbubuong kusa at likas at ang ibinubunga ng ganitong proseso ay tunay na kaisahang sa kalauna’y makikilala bilang isang malusog na pagkabansa.

Sa aktwal namang nangyari, sa pamamagitan ng isang tratadong pinagtibay ng Santo Papa sa Vatican, ang buong daigdig ay pinaghatian ng dadalawang kahariang kapwa nasa iisang maliit na sulok lamang ng Europa—Espanya at Portugal. Sa paglahok ng Santo Papa sa ganito’y ipinahiwatig na ang paghahatian ay may basbas ng Diyos. Pagkatapos, sinakop ng kolonyalistang mga Espanyol ang maraming bahagi ng kapuluang tinawag nilang “Las Islas Filipinas,” at ang kapuluan mismo ay inangkin at itinuring na iisang buong lupang pag-aari o “real estate property” ng Korona ng Espanya, kasama na ang lahat ng hayop, halaman at napakarami pang likas na kayamanan. Itinuring na kabilang sa mga hayop ang natagpuan nilang mga tao.

Ginawang tagapamahala ng mga ari-arian ang mga Espanyol na biniyayaan at binansagan silang mga “engkomendero,” mga pastol sa mga tao (laluna sa kanilang mga nabinyagan bilang Kristiyano) at tagapangasiwa sa pagpiga ng kayamanang ang malaking bahagi ay para sa Kaharian ng Espanya.

Nagtatag din sila ng isang balangkas ng paghaharing kolonyal para sa buong kapuluan at ito ay isinapaw at ipinalit sa dinatnan nilang kalakarang pulitikal ng maliliit na pamayanang baranggay o tribo.  Nilikha ang mga pamahalaang panlalawigan bilang mga dibi-dibisyon ng buong kolonya. 

Samakatwid, ang nangyari’y kabaligtaran ng dapat ay kusang pagbubuklod at pagsasanib-lakas ng mga pamayanan sa likas na proseso ng pagbubuo ng isang malusog na bansa. Sa halip na instrumento ng masaklaw na pagbabayanihan, ang pamahalaang itinatag ay mekanismo ng pagkontrol ng Hari ng Espanya sa kapuluang inangkin na nga niya bilang sariling ari-arian. 

Makalipas ang tatlong siglo, nakita ito nang malinaw nina Andres Bonifacio at iba pang nagtatag ng Katipunan. Kaya’t ang landas ng Rebolusyong kanilang pinamunuan ay ang matiyagang paggising sa marangal na kalooban ng bawat tao, at batay dito’y pagtitipon sa diwa, kamalayan at buhay ng hiwa-hiwalay na pamayanan ng kapuluan na binubuo nila bilang Haring Bayang Katagalugan. Sinimulan nila ito sa kalooban ng lahat ng kababayan upang ang mga ito ay ganap na magpakaTao. At kaagad silang hinamon sa ganap na pakikipagKapwa-Tao, sa pagsasanib-lakas sa pamamagitan ng isang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, na pinahinog nila bilang “Haring Bayang Katagalugan.”  (Pansinin na ang pormal na pamagat ng tinatawag na “Kartilya ng Katipunan” ay Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito. Akin ang salungguhit.)

Ngunit sa isang nilapastangang halalan ay inagaw ng mga kasapi sa iisang probinsya ang pamumuno sa Katipunan at ang landas ng likas na pagbubuo ng kabansaan ay agad nilang iniliko upang itayo ang huwad na “Republika ng Pilipinas” sa sarili nilang lalawigan. Paglaon, itinalaga nila ang sari-saring kapanalig bilang kinatawan daw ng mga lalawigang sa totoo’y di pa man lamang nararating ng mga ito, at pinulong ang isang “Kongreso sa Malolos” na nagpatibay ng isang Konstitusyon. Ang hangad nila’y mapalitan nila ang mga opisyal na Espanyol sa mga pwesto ng istrukturang panggobyerno na mananatiling instrumento ng pagkontrol sa taongbayan. Matapos ang halos kalahati pang siglo, naganap ito: ipinasa na sa mga opisyal na Pilipino ang ganitong balangkas ng pamahalaang ang mga “nasa itaas” ay kumokontrol sa mga “nasa ibaba.” 

Ang pinakamahalagang mga sang­kap ng buong kalakaran ay hawak pa rin ng kapangyarihang dayuhan (Amerikano na sa ngayon, dahil nabili na nila sa Espanya ang ating kapuluan sa halagang $20 milyon, isinama pa ang mga bahaging di kailanman nasakop ng mga Espanyol), ngunit mga Pilipino na ngayon ang nakaupo sa mga pwesto at nagpapairal ng kolonyalistang mga patakaran sa bago nang anyo ng mga ito. Kaya’t mga Pilipinong opisyal na lamang at ang kanilang “corruption” ang laging nakikita at nasisisi sa patuloy na pagbagsak ng ekonomya at sa iba pang malubhang mga suliranin ng taongbayan. 

Malinaw na ipinakikita sa atin ng pagbabalik-tanaw sa kasaysayan na ilandaang taon nang umiiral ang kalagayang ang ating mga kababayan ay sinanay na sila’y “nasa ibaba” (nasa mga lokalidad “lang”) at kung gayo’y palagiang madidiktahan ng mga “nasa itaas” (opisyales ng pambansang pamahalaan) na sila naman na daw ang pumipili at pinaglilingkuran, kaya’t demokrasya pa rin daw ang tawag sa ganitong pampulitikang kalakaran. Madaling nabisto ng ating mga kababayan na kadalasa’y hindi tapat sa sama-sama nilang kapasyahan ang resulta ng mga halalan. May mga itinaguyod silang mailuklok sa pambansang mga katungkulan na sa iba’t ibang patago o garapal na paraan ay inagawan ng pwesto o inagawan ng panalo. Nabisto na rin na interes ng mga negosyong dayuhan at sari-sariling pangkat at angkan ang talagang pinaglilingkuran ng mga opisyal ng pambansang pamahalaan, at hindi ang kapakanan ng taongbayan. 

Ang di na lamang malawakang nabibisto ay kung saan talaga nag-uugat ang paglubha ng ating kahirapan at pagkaubos ng ating mga likas kayamanan. Sa pag-aakala pa rin ng karamihan, pangunahing nagmumula ito sa pagnanakaw ng mga bulok na pulitiko at mga asa-asawa’t mga kamag-anak at kaibigan nila. (Kumbaga sa bigas na trak-trak kung nawawala sa ating mga imbakan, ipinagpipilitan pa ring mga daga lamang ang nagnanakaw dahil ang mga daga lamang ang madaling makita.)

Ang taongbayan lamang at ang tunay nilang mga pinuno ang may tunay na batayang magkaroon ng kaloobang pulitikal, ng determinasyon at kumpyansang lutasin ang mga suliranin ng bayan sa ekonomiya at iba pang bagay sa lipunan. 

Ang magandang balita, na pinagmumulan ngayon ng ating pag-asa, ay ito: Paparami ang nakakakita na sa liwanag ng katotohanan. Paparami na ang nakakatuklas na kaya palang maunawaan ng karaniwang mamamayan mismo ang pinakabatayang mga prinsipyo ng paglago o pagbagsak ng ekonomiya. At paparami ang nagbibigay na ng importansya sa pag-aaral na ganito upang di na sila patuloy pang malinlang ng mga naghuhugas-kamay na mga opisyal sa tulong ng maka-dayuhang “economic experts.”  Kaya’t nabubuo na sa hanay ng mamamayan ang “political will” na maigiit ang karapatan nila bilang maytaya (stakeholders) na aktibong lumahok sa pagsusuri, pagtatalastasan at aktwal na pagsisikap sa pagbabangon ng ekonomiya kahit man lamang sa sari-sarili nilang mga pamayanan. Malinaw na nilang nakikilala ang katotohanang ang pag-asang makabangon ng ekonomiya ng Pilipinas ay nakabatay sa mga lokal na ekonomiyang malalakas at nagsasanib-sanib ng lakas!

“Saan naman magmumula ang kapital para sa pagpapasigla ng mga ekonomiyang lokal???”  maitatanong agad ng mga kababayan nating nag-aakalang sa malalaking kapitalistang dayuhan lamang maaaring magmula ito. May mga sagot na rin tayo sa ganito.

Una, may pera namang talaga ang mga tao sa isang pamayanan, hindi pa lamang sila nangangasiwa nang mahusay. Halimbawa, sa maraming lugar ay labis-labis ang bilang ng mga sasakyang gaya ng tricycle kayat sa buong maghapon ay kaunting pasahero lang ang naihahatid ng bawat isa. Isang halimbawa pa, madalas ay napakarami ng maliliit na tindahan sa bahay-bahay sa isang kalye kaya’t kakaunti lang ang benta ng bawat isa. Ang kapital na natutulog sa matumal na pasada o matumal na benta ay maaari sanang sa ibang negosyo na ipinuhunan.  Kailangang ang pamayanan ay may aktibong konseho sa mahusay na koordinadong pagpapaunlad ng mga negosyo sa saklaw ng kanilang komunidad. Kung hindi ito pamumunuan ng mga halal na opisyal, maaari itong itayo ng taongbayan mismo, laluna ang mga lokal na kooperatiba, negosyante at mga lider-sibiko, at pagkatapos ay paghandaan nilang iluklok sa susunod na halalang lokal ang mga pinunong mag-aaktibo sa ganito.

Pangalawa, karamihan ng mga kooperatiba sa buong bansa ay mga kooperatibang nagpapautang sa kani-kanilang mga kasapi. Ngunit sa umiiral na kultura ukol dito, ang mga myembro ay nangungutang lamang bilang panagip sa mga kagipitan. At habang dumaraan ang panahon, lumalaki na nang husto ang pondo ng kooperatiba, nagkakaroon na nga ng sariling gusali ang iba, habang ang karaniwang myembro ay naiipit pa rin sa pangangailangan ng mauutangan para sa ganoon at ganoon ding mahigpit na mga pangangailangan. Kung magagawa nating maimpluwensyahan ang mga kooperatibang ganito at ang kanilang mga myembro na magtuon na sa pagpapautang ng maikakapital sa mga negosyo, mapagugulong ang mga pondong ito, madaling mababayaran ang mga utang sa halip na pinaghihirapan at kung minsa'y pinatatawad lamang, aasenso ang kalagayang pang-ekonomiya ng mga myembro at sisigla ang ekonomiya ng pamayanan.

Pangatlo, may mga kababayan tayo na nakapagpundar na ng kabuhayan sa malalaking syudad sa Pilipinas at sa ibayong-dagat na mahihimok nating mag-ambag bilang malasakit sa kani-kanilang baryong pinagmulan. Kahit mga pondong donasyon para sa pagpapaayos ng dati nilang paaralang elementarya o para sa pagpapatanim ng mga gulay sa bakuran ng mga ito ay pondong papasok at gugulong sa ekonomiya ng lokalidad!  May mahihimok pa tayo sa kanilang hanay na tahasang magpasok ng puhunan para sa bagong mga negosyo sa loob ng lokalidad.

Saan magmumula ang kapital para sa pagpapasigla ng ekonomiya ng ating mga kababayan sa mga lokalidad?  Sa ating mga kababayan mismo!

Nitong nagdaang Nobyembre, unang umalingawngaw sa Barangay Bagong Pag-asa sa Lungsod ng Quezon ang malakas na pahayag ng pamayanan sa anyo ng isang tula na nagawa kong malikha. Narito ang dalawang saknong ng tulang iyon, na umalingaw rin noong buwan ding iyon sa Barangay Bagong Baryo sa Kalookan at Barangay Ugong sa Pasig.  Mula sa tatlong pamayanan ay inaasahang lalaganap sa libu-libong pamayanan sa buong kapuluan ang tulang ito na kanilang tatalakayin nang malaliman, sama-samang isisigaw nang buong-lakas, at paninindigan nang buong-tatag. Narito ang Sigáw ng Bagong Pag-Asa!:

Pag-asa ng mahal / nating Inang Bayan: /

Ay tangkilikán / sa bawat pamayanan, /

At tangkilikán / ng mga pamayanan! /

Ito ay bayanihan, / katipunan ng taongbayan /

Na atin ngayong / pagtulung-tulungang /

Matatag na dalhin / sa masayáng kaganapan! //

Patatagín, pag-ugatín / natin ang kabuhayan /

Sa mga pamayanan, / sa mga bayan-bayan. /

Sa mga lalawigan / at pambansang kaisahán! /

Mabuhay nang tunay / ang Lupang Hinirang!!! /

Ito’y panghahawakan / nating bagong pag-asa, /

Isang sama-samang Sigáw, / Tangláw at Panata!  //

Kailangan ng Bayan: Talastasan at Tangkilikan

Kailangan natin ang tunay na pagtatalastasan at tunay na pagtatangkilikan upang maging tunay ang ating pag-asa at maging tunay ang katuparan ng ating inaasahan.

Ang tunay na talastasan ay patas, walang duruan o insultuhan, at kakikitaan ng matapat na pagsasama-sama sa paghahanap ng iisang kapaki-pakinabang at makatotohanang pananaw sa bawat usapin. Hindi ito idinadaan sa pagpapaligsahan ng diskarte sa debate, sa palakasan ng boses, sa paramihan ng kakampi o sa paramihan ng diploma.

Dumarami ang mga kababayan natin, sampu ng kani-kanilang mga samahan at institusyon, na bumubuo at nagpapaunlad ng sari-sariling mga pagsusuri sa mga suliranin ng lipunan at ng mga iminumungkahing kalutasan ng mga ito. Tumatampok ang magkakaugnay na mga kaisipan ukol sa pagiging “alipinas at dakilahi,” ukol sa makabayang industriyalisasyong “associative” na nakabase sa mga lokal na pamayanan, ukol sa pagpapatingkad sa karangalan at sa galing ng Pilipino, ukol sa kamutyaan, ukol sa pagiging maharlika, ukol sa pagiging malaya, ukol sa pagiging mga tagbalay, ukol sa unawaan bilang katarungan sa pamayanan, ukol sa bukluran, ukol sa malakas na pagkabansa, ukol sa awtentikong demo­krasya, ukol sa pagsasanib-lakas sa pagkabansa at iba’t ibang larangan nito, at ukol sa napakaraming iba pa.

Napakabuting kalagayan ang ganito, laluna kung ang bawat isa sa mga nagsusulong ng gawaing ito ay handa at nagkukusa pa nga na ihapag ang sari-sarili nilang nabubuong mga pala-palagay sa isang malawakan at totohanang  pagsasanib-aral.

Sa pag-aambag at paghahapag ng maraming nabubuong balangkas ng pagsusuri at balangkas ng pagkilos, mahalagang sa pana-panahon ay maingat na naisasabuod ang lahat ng nasasaklaw ng pagsasanib-aralan upang mapatampok at maipagdiwang agad ang nararating nang mga pagkakaisa at upang mahimay kung saan-saang punto nananatili pa ang mga pagkakaiba. Sa tunay na talastasan, may paggagalangan sa impormasyon at laluna sa mga opinyon ng isa’t isa, kahit kinakailangan din ang pagtatagisan ng mga impormasyon at mga opinyong ito. Mahalagang maunawaan muna nang ganap ang bawat panukala bago tanggihan o salungatin ito, taliwas sa nakasanayan na ng marami nating kababayan na gawing debate o away pa nga ang dapat sana’y mahinahong talakayan at pagsasanib-talino. Kailangang matutukan nang ganap ang gawaing ito ng pagpapadaloy tungong pagkakaisa (“unity-seeking facilitation”) upang huwag mauwi lamang ang lahat ng maibubungang kaisipan sa walang-tigil na paligsahan ng mga salita na di mapahahantong sa nagkakaisa at mapagpalayang gawa.

Samantala, ang lahat ng paaralan, laluna ang mga kolehiyo’t pamantasan, sampu ng iba pang institusyon at samahang nakakaugnay nila, ay may tungkulin sa bayan na pakinggan ang likas na talino ng karaniwang mga tao, at manindigan sa Liwanag ng Katotohanan at Katwiran, kahit ang ganitong paninindigan ay mangailangan ng tahasang pagwawasto sa dati nilang mga itinuturo.  Malaking hamon sa mga opisyal sa edukasyon, sa mga guro at iba pang mga lider-opinyon ang magbayanihan sa isang malaking lambat ng kaliwanagan upang tumulong sa ating mga kababayan – laluna sa kabataan – na matanggihan at maibasura ang mga kasinungalingang napakatagal nang bumubulag sa ating kamalayan, napakatagal nang bumabansot sa ating pag-unlad at kaganapan bilang mga tao, at napakatagal nang nanghahati-hati sa ating hanay.  Ang dapat na masinsinang paunlarin at mabisang ipalaganap ay ang mga balangkas ng pag-iisip at paggawa na nakapagpapangkin ng kapangyarihan (“empowering paradigms”) para sa ating mga kababayan.

Sa ganitong kaparaanan ng maliliit at pinagsasanib-sanib na bayanihan, napakahalaga ng ginagampanang papel ng mga tunay na pinuno ng pamayanan, halal man o di halal; ng mga kooperatibang tunay (ganap na nagsasabuhay sa diwa ng pagsasanib-lakas at sa lahat ng mga batayang prinsipyo ng kooperatibismo), laluna ang mga  lokal na primarya; ng mga negosyante sa lokalidad; ng mga lider-opinyon, kabilang na ang mga nasa grupong sibiko at relihiyoso; at ng lahat ng iba pang mga sektor ng taongbayan.  

Sa ganitong kaparaanan din, sa pagsasanib-sanib ng lakas ng nagbabayanihang mga pamayanan, may tunay na pag-asang makamit ng ating mga kababayan ang kagyat at mapatatagal na mga kalutasan sa marami sa iba pang malulubha nating mga suliranin, gaya ng sa pangangalaga at wastong paggamit sa mga likas na kayamanan, sa kapayapaan at sa kalusugan ng mga bumubuo ng mga pamayanan. 

Halimbawa, mahalagang maging mga mulat at aktibong maytaya (conscious and active stakeholders) at sumali sa isang mabisang pagsasanib-lakas para sa kalikasan ang lahat ng maytaya sa pangangalaga sa kapaligiran sa bawat lokalidad; at batay rito, kailangan ang isang mabisang pagsasanib-lakas ng mga lokal na kilusang pangkapaligiran sa buong kapuluan bilang pangunahing pwersa ng isang tunay na pambansang kilusang pangkapaligiran.

Lalong mahalaga ang dapat ibunga ng mga talastasan sa aktwal na pagkilos ng bawat tao at bawat pamayanan. Ito ang masigla’t mabungang tangkilikan na nag-uugat pa sa sinauna nating ugnayang bayanihan. Kaugnay nito, ang bawat mahalagang personal o sama-samang pagpapasya ay nararapat isagawa sa isang prosesong sumasalamin nang ganap sa pagpapakaTao ng bawat isa sa atin at nating lahat. May apat na hakbang na ihinanay ko sa isang tiyak na pagkakasunud-sunod:

Mangarap at magbalak,

Alamin lahat ng dapat,

Magpasya nang maingat,

Magpatupad nang matatag!

Ang lahat ng kalahok sa pagpapatupad ay dapat kalahok din, tuwiran man o di-tuwiran, sa pangangarap, sa pagbabalak, sa pangangalap at pagsusuri ng impormasyon, at sa maingat na pagpapasya. 

Maaari namang mag-isang gawin ng pinuno, na pinili ng mga tao, ang pangangarap hanggang sa lahat ng pagpapasya, at pagkatapos ay ipatanggap na lamang sa mga magpapatupad. Ngunit kung ganito’y hindi niya maaasahan ang maayos na pagpapatupad ng lahat. Ang kailanga’y pagbabayanihan sa lahat ng apat na hakbang sa wastong pagkakasunud-sunod.  Ang paglikha ng pinakamagagaling na ideya ay isang hamong hinaharap ng buong samahan o pamayanan at hindi ito tungkulin lamang ng mga pinuno. Ang tunay na tungkulin ng pinuno ay ang pagbubuo at pagpapalakas ng bayanihan sa lahat ng gawain ng samahan o pamayanan.

Buhayin nating muli ang diwa at pamamaraan ng bayanihan sa pamamagitan ng malawak at masiglang tangkilikan. Kakikitaan ito ng maraming patas at mapagkalingang pakikipagpalitan at pakikipagtatambalan sa isa’t isa sa loob ng bawat pamayanan at sa pagi-pagitan ng mga pamayanan.  Sa ganito pangunahing mababatay ang pagbabangon at tuluyang paglakas ng ekonomiya ng Pilipinas!

Mula sa ganitong pagsasanib-lakas ng taongbayan sa ekonomiyang batay sa tangkilikan, bubulwak ang yaman at kapangyarihang magdudulot ng karampatang kaginhawahan sa atin, sa ating mga anak at sa susunod pang mga salinlahi.  Ibubunga nito ang isang marangal na lipunan ng mga taong talagang nagpapakatao.

MagpakaTao at MakipagKapwa-Tao!

Ang bawat tao ay biniyayaan ng Bathalang Lumikha ng kapaligirang kung mahusay lamang na pagyayamanin ng kanyang pagsisikap ay sapat na makatutugon sa lahat ng tunay niyang mga kailangan. Ang naninirahan sa isang bahay ay tinatawag na “tagbalay” at ang kapaligirang nasasaklaw ng pagsisikap niyang makuha ang tunay niyang mga kailangan ay na bahagi ng kabuuang tahanan ng tagbalay at ng pamilya niya.

Bawat tagbalay, bilang tao, ay may angking mga likas na yaman sa kanyang kapaligiran at may angking kakayahan, karampatan at pananagutan na ito’y alagaan at gamitin nang buong-tatag at buong-husay.  Ang pamayanan ay kusang-loob na pagsasanib-lakas ng mga pami-pamilyang tagbalay upang magbayanihan sila sa paggamit at pangangalagang ito.  Sa kanilang pakikipagkapwa, ang partikular na kaparaanan nila ng pakikipamuhay sa isa’t isa at sa kalikasan, ay naidaragdag ang isa pang uri ng kolektibong yaman-- ang yaman ng kalinangan o kultura. Ang ating mga ninuno ay nagsimula ng dakilang kultura ng bayanihan sa pagiging mga tagbalay, ngunit dahil nasasapawan na ito ng kaisipang dayuhan ay nararapat nating ibalik, ipagtanggol at patatagin.  Ibalik natin nang taas-noo ang malalim na kadakilaan ng ating lahi.

Ang sinumang tagalabas ay kinakailangang magpasintabi at gumalang sa karapatan ng dati nang mga tagaroon (mga tagbalay-doon) sa alinmang lugar na siyang pangunahing magpasiya sa paggamit at pangangasiwa sa mga likas na kayamanan, kultura at kabuuang kalagayan ng buhay sa lokalidad. Ito ay karampatang mula sa Bathalang Maykapal at hindi nararapat na hayaang labagin ninuman sa bisa ng anumang batas o titulo na likha lamang ng tao, lalupa kung di man lamang kasangkot ang pamayanan sa paglikha ng ganitong mga papeles. 

Madalas gamiting batayan ng ganitong mga batas at papeles ang kapangyarihan at pagmamay-aring inangkin ng Kahariang Espanya nang puwersahan nitong sakupin ang Pilipinas, kapangyarihan at pagmamay-aring ipinagbili at ipinasa-pasa na kahit noong ang paghaharing Espanyol sa ating kapuluan ay tapos na nating mapalayas.

Anu-ano naman ang sangkap ng ating pagpapakaTao at pakikipagKapwa-Tao upang epektibo nating maipagtanggol at maisulong ang personal at sama-sama nating kapakanan, kaginhawahan at kaganapan bilang mga tao? 

Kamakailan lamang, nitong nagdaang Disyembre 6, sumulat ako ng dadalawa ring saknong na tula, na pinamagatan ko namang Tao Ako, Tayo! Sa disenyo nito, ang maituturing na karapatdapat lumahok sa sama-samang pagbigkas sa ikalawang saknong ay iyon lamang buong-loob nang sumang-ayon sa mga kataga ng unang saknong.  Tunghayan natin ang buong tula:

Tao akong tunay / na nagpapakatao,

Mahusay kong ginagamit / at inaalagaan

Ang lahat kong kayamanan / at kakayahan

Sarili kong tunay / na mga kailangan

Sinisikap kong makaya / na matugunan

Upang aking makamit, / ginhawa’t kaganapan

Bilang Taong ang diwa / ay Butil ng Bathala!

Mga Tao tayong / nakikipagkapwa

Ang bawat isa sa atin / ay Taong NagpapakaTao

Kusa tayong nagsasanib / ng mga kakayahan,

Upang kahit iba-iba, / mga ito’y mapag-ibayo,

Sa tulungan, unawaan, / masiglang tangkilikan

Ng pamayanang patas / at may angkíng lakás!

Samahán nati’y Kaisaháng / buháy at dakila!

Sinabi ko sa isang nauunang pahayag dito: “Ang taongbayan lamang at ang tunay nilang mga pinuno ang may tunay na batayan na magkaroon ng kaloobang pulitikal, ng determinasyon at kumpyansang lutasin ang mga suliranin ng bayan sa ekonomiya at iba pang bagay sa lipunan.” 

Pansinin ang mga katagang  “tunay na batayan upang magkaroon ng…”  Sa pangungusap na ito’y nais kong ipagdiinang hindi awtomatiko ang pagkakaroon ng taongbayan ng kaloobang pulitikal, determinasyon at  kumpyansa. Katunayan, kaya nga nangyaring ang mga humihigop sa kayamanan ng bayan at pumipinsala sa kapakanan nito ay hindi napipigilan, kaya nga umabot na sa ganito ang kalubhaan ng mga suliranin sa ating lipunan, ay dahil tayo’y kinapos at patuloy pang kinakapos sa determinasyon at kumpyansa na wakasan na ang mga ito (sa halip na ipagngitngit lamang), at itindig na ang marangal, malaya at maginhawang bansa! 

Pangunahing mga sakit ng ating mga kababayan ang pagwawaldas sa angking mga kakayahan at hawak pang yaman, dahil sa hindi ginagamit nang mahusay ang mga ito at hinahayaan pang mangalawang o manakaw ng iba. At mabilis din tayong tumanggap o umasam pa nga ng pagkakataong makaasa sa iba kahit para sa sari-sarili nating mga tunay na pangangailangan. 

Napakarami sa atin ang palasuko sa matitindi o kahit maliliit pa ngang mga kahirapan kaysa tuluy-tuloy na pag-isipan at pagsumikapan ang paghahanap o pagsusulong ng mga kalutasan. Iniinsulto natin ang ating pagkatao at pinabababa ang halaga nito, sa tuwing ipinagdidiinan natin ang kakulangan pa sa kasalukuyan nating mga kakayahan at iwinawaglit sa ating pansin ang naaabot na at maaabot pa ng ating sari-sarili at sama-samang kakayahan.  Ang pahayag na lagi’t laging tama sa tuwing sinasabi at pinaniniwalaan natin ay ang mga katagang “Hindi ko kaya!” at “Hindi natin kaya!” Sa gayo’y iniinsulto natin ang kapangyarihang kaloob ng Dakilang Lumikha sa bawat tao na ang diwa ay nilalang na kawangis ng Bathala.

At dahil ganito ang marami nating kababayan, ang ating nabubuong mga samahan, sa halip na maging mga kasangkapan ng pagbabayanihan at pagsasanib-lakas, ay nagiging mga daluyan ng pagsasanib-hina at pagsasanib-daing, pagsasanib ng pagiging palasuko at palaasa, pagsasanib ng pagkikibit-balikat, sisihan at ang nagiging hantungan lamang ay pagpapatawa, ngitngit o paglalamangan.  Anong layo ng ganito sa tunay na pagpapakaTao!

Anong uri ng pakikipagKapwa-Tao ang maaasahan nating makamit at mabuo kung tayo’y ganito at hindi magbabago?  Anong lakas ang mabubuo kung di tayo magkakaisa bilang mga tunay na Anak ng Bayan na ang bawat isa’y may iniaambag na angking karangalan, talino at kakayahan? 

Kahawig na kahawig ng nagmula kay Bonifacio ang sumusunod na katotohanan: Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo’t lalong kataksilan, lalo’t lalong kaalipustahan, at lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa iba, sa pag-aasam na makakakita rin tayo ng ilang matinong lider na mailuluklok natin nang totohanan at matagalan sa pambansang pamumuno, bagay na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran na tayo’y umasa sa ating sariling pagsasanib-sikap bilang taongbayan at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran na tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip at pananaw,  nang tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating bayan.

Sa gawing dulo ng  pahayag niyang “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog,” isinulat ni Gat Andres ang mga pangungusap na ito na dapat umalingawngaw muli sa ngayon:  “Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan. Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya, at pagdadamayan. Ngayo’y panahon nang dapat simulan ang pagsisiwala’t ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan. Panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang kahirapan.”

Handog ko sa bahaging ito ang isang hamon:  Pag-aralan natin nang malaliman ang dalawang-saknong na tulang Tao Ako, Tayo! At kayanin ng bawat isa na buong-loob at buong-katapatang ipahayag ang lahat ng linya ng unang saknong. Pagkatapos, ang bawat buong-katatagang nagpahayag niyon ay sabay-sabay namang magpahayag sa lahat ng linya ng ikalawang saknong.  Dapat naman talaga tayong magsama-sama sa mga pagbabalak at pagpapatupad ng mga mga balak, sa aktwal na mga pagsisikap na maibsan ang paghihirap at unti-unting kamtin ang kaginhawahang kaytagal nang minimithi.

Kaytagal na rin nating ginagawa ang pagbubuo ng mga plano, ngunit nawawalan ng anumang kabuluhan kahit ang pinakamahuhusay na mga balak kung ang mga lumalahok o tumatango sa mga kasunduang ganito ay hindi naman pala tunay at ganap na nagpapakaTao at nakikipagKapwa-Tao.  Hindi nagmumula sa diwang Butil ng Bathala ng sinumang tao ang mga pagsang-ayong lumalabas sa ilong! Hindi sa diwang Butil ng Bathala nagmumula ang pagniningas-kogon, ang pagsuko sa harap ng mga kahirapan sa landas ng pagsisikap na pinagkaisahan, ang pagiging palaasa sa iba, o ang anumang pagpapanggap!  

Hamon at panawagan ng sanaysay na ito: tuklasin at patampukin nating lahat ang nakakubling kadakilaan ng mga Anak ng Bayan! Kilalanin natin, isabuhay at ipalaganap ang mga aral ng Katipunan, laluna ang mga nakahanay sa Kartilya. Alalahanin natin na sa paghahanda sa Rebolusyong 1896, ang unang pinahalagahan ng Katipunan ay ang kalooban ng mga kababayan, ang kanilang ganap na pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, bago hinarap ang paglilikom ng mga armas at bala. Ang salitang-ugat ng “Katipunan” ay “tipon.” Tinipon at pinagkaisa nila nang mahigpit ang mga Anak ng Bayan sa tunay na pagsasabuhay ng mga simulain at asal na matatag at marangal.

Mauna na sana agad sa ganitong gawain ang mga may kakayahan nang mauna. At tiyak na sa malao’t madali ay magsisisunod na rin ang iba.  Utang natin ang gawaing ito sa ating mga bayaning ninuno, at pananagutan naman natin sa ating mga anak at sa susunod pang mga salinlahi.

Ang dapat mabatid ng lahat nating kapatid ay ang mga tunay na ugat ng ating patuloy na kahirapan bilang mga taongbayan sa Pilipinas na ang mga pulso ng buhay ay likas na magkakadugtong.  Ang dapat mabatid ng lahat nating kapatid ay may tunay tayong mapagkukunan ng pag-asa sa harap ng tila papadilim pang kalangitan. Ang dapat mabatid ng lahat nating kapatid ay tayo mismo, sa ating pagsasanib-sanib ng kakayahan, ang tanging pinagmumulan ng ganitong pag-asa.

Mga kapatid, ipagbunyi natin sa isip, sa diwa, sa salita at lalung-laluna sa gawa ang pagbabalik ngayon ng Kataas-taasan at Kagalangang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Hindi na ito isang pormal na samahang may mga istruktura’t may mga pormal na pinuno; ito ngayo’y isang buháy na bantayog, isang kilusang nagtatangklikan, nagtatalastasan, nagsasabuhay ng mga aral ng Katipunan, at malalimang nagmamahalan at nagkakapit-pulso sa loob ng isang tunay na Kaisahan bilang nagbabayanihang mga tagbalay dito sa ating Sangkapuluan.  Mahalagang ambag pa natin ang ganito sa pagbubuo ng Mulat na Kaisahan ng Sangkatauhan.

Kaya, O mga kababayan, ating idilat ang lahat ng kaisipang patuloy pang nabubulagan, at kusang igugol ang lahat ng ang ating lakas alang-alang sa kagalingan, sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay ang nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan!

Ed Aurelio C. Reyes

Aklatang Parola, Napindan, Taguig, Pilipinas

Disyembre 29, 2004



[Si Ginoong “Ding” Reyes ay propesor sa Asian Social Institute at sa International Academy of Management and Economics; pasimuno at direktor na tagapagpaganap ng SanibLakas ng Taongbayan Foundation; pasimuno ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan o Kamalaysayan, kalihim-pangkalahatan ng World Environment Day-Philippines Network, edukador sa tunay na diwa ng kooperatibismo, kasapi ng  National Economic Protectionism Association, at pasimuno ng maraming iba pang samahan. Nakasulat na siya ng di kukulangin sa 24 na aklat at polyeto ukol sa kasaysayan, kapaligiran, kooperatibismo at maraming iba pang paksa. Kabilang sa mga ito ang The Philippines, A Century Thence (An Open Letter to Rizal) at Bonifacio: Siya Ba Ay Kilala Ko?  May karanasan na rin siya sa pahayagan, sa magasin, sa radyo at sa telebisyon, at lumililikha ng mga webpages at websites para sa Internet.]

 


Anu

   Anu-ano ang mga katanungan mo at opinyon?

(Wbat are your questions and opinions?)

Pangalan mo't Palayaw

(Your Name &Nickname):

Posisyon (Position)

Samahan,Tanggapan, Paaralan o Baranggay

(Organization, Office,

School or Barangay):

Mga Address mo (postal at  e-mail) fax & ibang numero,

Mailing / e-mail Addresses

Fax  & other  numbers):

Mga bagay-bagay ukol sa iyo

(Personal or work background relevant to comment or inquiry):

  S E N D  -->    BACK TO TOP


8910











8910