"Usapang Kartilya, Usapang Marangal" (Ito ang "Kamalaysayan Forum" para sa Personal na mga Tugon ukol sa mga aral sa Kartilya ng Katipunan, na isinulat ni Emilio Jacinto. Mas makabuluhan ang tugon na ipinaliliwanag batay sa personal na karanasan at kalagayan ng tumutugon. Sa pag-uugnay ng Kartilya sa sariling karanasan ay napapalalim ito sa ating kalooban.) [ Ang nakalarawan sa kaliwa ay aktwal na pabalat at tunay na pamagat ng Kartilya ng Katipunan na nasa koleksyon ni Emmanuel Encarnacion ng Kamalaysayan Ang lawawan naman ng Sanduguan na nasa dulong ibaba ng pahinang ito ay pinta ni Francisco 'Botong' Francisco at nakatanghal ngayon sa Manila City Hall. Pinagalaw ito ni Surf Reyes ng LOVE Foundation.] |
PAKIISULAT PO ANG LAHAT NG TUGON (KAHIT NA PO SA ENGLISH) SA 'CYBER TALK-BACK' FEEDBACK BOX NA NASA DULO NG BAWAT PAHINANG NAGTATAGLAY NG ARAL NG KARTILYA AT IPADALA SA PAMAMAGITAN NG PAG-MOUSECLICK SA "SUBMIT". ANG LAHAT NG AMING MATATANGGAP AY ISASAMA SA TALAAN NG MGA TUGON. ANG NAUUNA SA TALAAN AY NAKALAP SA IBA'T IBANG PARAAN NOON PANG 1992-1997, LALUNA SA PAGSISIKAP NI JHUN AYCOCHO, KARTILYA PROPAGATION COORDINATOR.
.. LALA ba natin ang tunay na kadakilaan ng Katipunan? O ang nalalaman lamang natin ay ang galit at tapang ng mga Katipunero? Ang sinumang hindi nakakaalam sa mga aral ng Kartilya ay hindi nakakakilala nang malaliman sa Katipunan. At ang pagsaludo lamang sa katapangan ay pagmamaliit sa kabuluhan ng kilusang nagsilang sa ating pagkabansa. Sa 14 na aral sa Kartilya, ilan nga kayang talaga ang nauukol sa kahandaang mamatay at pumatay pasa sa nang Bayan, at ilan naman kaya, kung mayroon, ang nauukol naman sa ibang bagay? Mayroon kayang mga aral sa Kartilya na may kabuluhan pa hanggang sa kasalukuyan, mahigit sandaang taon na magmula nang maisulat? Tayo nang magbasa, isa-isahin ang mga aral... at malamang na tayo'y magulat at mas malalimang magpugay... K1. "Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi (man) damong makamandag." K2. "Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o pagpipita sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan." K3. "Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang katuwiran." K4. "Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda ...; ngunit di mahihigitan sa pagkatao." K5. "Ang may mataas na kalooban, inuuna ang (dangal o) puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri." K6. "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa." K7. "Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan na'y di na muli pang magdadaan. K8. "Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi." K9. "Ang taong matalin'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim. K10. "Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din." (Ang simula nito'y obserbasyon sa ugnayan ng babae at lalaki sa panahon ng Katipunan; para sa kasalukuyan, iminumungkahing ipalit ang sumusunod: "Sa daang matinik ng buhay, ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.") K11. "Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na) kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasanggulan. K12. "Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba." K13. "Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri, yaong di nagpapaapi't di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan." K14. "Paglaganap ng mga aral na ito, at maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi't magkakapatid, ng ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan. |
Sa pagsisikap na muling palaganapin ang pagsasabuhay sa diwa ng Katipunan, lumikha ang KAMALAYSYAN ng isang seremonyang umiikot sa pagkilala, pagpupugay at pagpapanata sa Kartilya ng Katipunan. Ito ang PAGTITIPON NG MGA ANAK NG BAYAN, na may mga bersyong magkakaiba ang haba, at lumaganap sa buong kapuluan at sa mga Pilipinong komunidad sa ibayong-dagat laluna noong mga taong 1992 (sentenaryo ng Katipunan) hanggang 1997, sentenaryo ng pagpanaw ni Andres Bonidacio. Ang libu-libong nakadalo ay binubuklod hanggang ngayon ng batiang: "Mabuhay Ka at ang Ating Panata!" |
PANATANG ISASABUHAY ANG DIWA NG KATIPUNAN
Ako, si_____________, ay taimtim na nangangakong sa abot ng aking makakaya ay ipalalaganap at isasabuhay ang Dakilang Diwa ng Katipunan ayon sa (naibigan kong aral o) mga aral na nakahanay sa Kartilya ng Katipunan. Ito ang aking panata sa ngalan ng aking karangalan. (Kasihan nawa ako ng Bathalang Maykapal.)
|